Scam

Mag-ingat sa online scam ng pekeng trabaho abroad –BI

April 27, 2025 Jun I. Legaspi 98 views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay ng tumataas ng kaso ng human trafficking at ilang Pilipino ang napahamak sa iba’t-ibang online scam syndicates sa Cambodia matapos mabiktima ng mga pekeng trabaho sa ibang bansa.

Apat na biktima ng human trafficking ang nakauwi sa bansa noong Abril 19 sakay ng Philippine Airlines mula Phnom Penh.

Batay sa imbestigasyon, ang mga biktima na-recruit sa pamamagitan ng mga pekeng job ads sa FB na nangakong may mataas na sahod bilang mga encoder at customer service staff.

Ngunit pagdating sa Cambodia, kinumpiska ang kanilang mga pasaporte at pinilit magtrabaho sa mga online scam operation, kabilang ang pagpapanggap bilang mga ahente ng FBI o romantikong kasosyo sa dating platforms upang makapanloko ng mga banyaga.

Kapag hindi naabot ang target, pinaparusahan, pinagtatrabaho ng lampas sa normal na oras at kalaunan ibinibenta o “iniilipat” sa iba pang sindikato na parang kalakal.

“They were treated like property—bought, sold, and abused,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Ikinuwento ng isang biktima ang 16 hanggang 20 oras na trabaho kada araw, kasama ang mga banta ng pagkakulong at pisikal na parusa.

Ayon pa sa isa, nagkaroon lamang siya ng pagkakataong makatakas matapos mailipat sa ibang grupo.

Iginiit ni Viado na sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kumikilos ang pamahalaan upang buwagin ang mga human trafficking network at protektahan ang mga Pilipinong nasa panganib.

Hinimok niya ang mga naghahanap ng trabaho na umiwas sa mga ilegal na alok online at dumaan lamang sa Department of Migrant Workers (DMW) upang matiyak ang legal at ligtas na proseso.

AUTHOR PROFILE