Default Thumbnail

Mabuhay ang malayang QC ni Cong. Mike Defensor!

July 26, 2022 Marlon Purification 725 views

Marlon PurificationUMABOT sa 20,000 supporters ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang dumagsa sa pro-BBM rally na isinagawa sa IBP Road nitong nakalipas na State of the Nation Address (SONA) ng ika-17th Commander-In-Chief ng bansa.

Tinawag na “SONA All: Kilos-Suporta sa Pagbangon at Pagkakaisa,” ipinakita ng mga nagsidalo sa SONA rally ang kanilang suporta sa hangarin ng Pangulong Marcos na maibangon sa kahirapan ang sambayanan.

Salamat sa maayos na pag-organize ng grupong Malayang QC na pinamumuan ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor dahil kung hindi dahil sa kanila, hindi magiging matagumpay at masaya ang naganap na pro-BBM rally na nagmistulang mini-concert ng mga sikat na banda.

Ilan sa mga nag-perform ay ang grupong Repakol, Arriba, Inner Voices at Plethora na nagpasikat ng ‘campaign jingle’ ni PBBM na Bagong Lipunan.

Pinasaya rin ng mga mascot ni BBM at Inday Sara ang mga supporters dahil sa mga nakatutuwang indak sa entablado, bukod pa sa pagpapaunlak ng selfie sa mga supporters.

Maagang dumating sa pro-BBM supporters ang ‘contingent’ mula sa San Jose del, Bulacan na ipinadala ni Mayor Rida Robes, gayundin ang mula sa Caloocan City na ipinadala nina Mayor Along at Congressman Oca Malapitan.

May ‘contingent’ din ang Valenzuela ni Mayor Rex Gatchalian, ang Malabon City ni Mayor Jennie Sandoval, ang grupo ng Pasay City ni Mayor Emi Calixto, San Juan City ni Mayor Francis Zamora, grupo ng San Mateo, Rizal at siyempre ang Quezon City.

Ang nakatutuwa, pati mga grupo ng Angkas ay nagmartsa papalapit sa entablado na nakalatag sa IBP Road, malapit sa south gate ng House of Representatives.

Kahit ang grupo ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay nagsidatingan din na personal ding sinilip ni DSWD Undersecrtary Allan Tanjusay na dating spokesman ng nasabing labor group.

Nagsimula ang programa dakong alas-12:00 ng tanghali at bago sila nagsiuwian, ganap na alas-7:00 ng gabi, dumating si Vice President Inday Sara Duterte na personal na nagpasalamat sa mga PBBM suppoters dahil sa ginawang pagboto sa kanila ng Pangulong Marcos noong nakalipas na halalan.

Nag-emcee sa nasabing rally ang dating beauty queen at PBB Housemate Ali Forbes at ang magandang broadcast journalist at ngayo’y Manila Bulletin columnist Rikki Kwek-Mathay.

Si Defensor na personal na nag-organisa ng nasabing rally ay hindi nakarating sa pagtitipon noong Lunes, ngunit naging aktibo at punung-abala ang mga kasamahan nitong si dating Congressman Winnie Castelo, Sir Edwin Rodriguez, Carlo Dimayuga, Joey San Andres, (ret.) Col. Danny Enriquez, Martin Leachon at si San Juan Councilor Cris Mathay.

Hinahangaan natin ang Malayang QC dahil alam ko ay mabilisan lamang ang ginawa nilang preparasyon para sa pro-BBM rally.

Kitang-kita sa kanilang mga mukha ang kagalakang iorganisa ang libu-libong supporters ng Pangulong Marcos.

Bagaman wala sa ‘program proper’ si Cong. Mike, hindi nagpabaya sina Cong. Winnie at Sir Edwin para itimon ng maayos ang kanilang programa.

Ang Malayang QC kung matatandaan ang kauna-unahang nag-organisa ng isa sa pinakamahaba at matagal na motorcade rally ng BBM-Sara UniTeam noong December 8, 2021.

Ang motorcade na ito ay tumagal ng anim na oras dahil sa sobrang dami ng taong humilera sa kalsada mula Quezon City Memorial Circle (harap ng Commission on Audit) hanggang Welcome Rotonda na 16 kilometro lamang ang haba.

Samantala, gusto rin natin pasalamatan ang buong hanay ng Quezon City Police District (QCPD) sa pamumuno ni Brig. Gen. Remus Medina, ang chief directorial staff, Col. Josefino Ligan, ang Presidential Security Group (PSG), ang force multiplier ng Quezon City Hall, si (ret) Gen. Elmo San Diego, ng Department of Public Order and Safety, at sina DILG Undersecretary Chito Valmocina at Assistant Secretary Beth de Leon.

Mula sa Office of the Press Secretary (OPS), malugod namin kayong binabati at pinasasalamatan.