
Mabuhay ang Kababaihan!
Hindi tulad ng ibang lahi, ang mga Pilipina ay may dangal sa ating lipunan, bago pa man naligaw si Magellan sa Cebu noon Marso 1521. Bilang katunayan, mayroon isang pre-Hispanic era na kasunduan ng bilihan ng lupa sa Tongdo dito sa Katagalugan ang dalawang Filipina na nakasulat sa baybayin na iniingatan ng Benavides Library sa UST. Dalawang bagay ang makukuha dito: a) may karapatan mag may ari ng lupa ang babae, at 2) marunong magbasa at sumulat ang Filipinang Tagalog.
Nagbago lamang ang palagay ng lipunan sa kababaihan ng dumating ang mga Kastila na dala ang Kanlurang palagay na ang babae ay pang tahanan lamang. Gayun pa man, ang ating kasaysayan ay hindi kulang ng mga babae na lumahok sa mga himagsikan laban sa mga mananakop na Kastila, Amerikano at Hapon. Kaya naman hindi nakapagtataka na gawaran noon 1937 ang mga kababaihan ng karapatan bumoto at maiboto sahalalan.
Napasok na ng mga kababaihan ang tatlong sangay ng pamahalaan. Nagkaroon na tayo ng dalawang babaeng Presidente at Bise-Presidente, mga senadora, kongresista, gobernadora, bise-gobernadora, mayora, bise-alkalde, bokal, konsehal at mga kapitan at kagawad ng barangay sa buong kapuluan. Ang Korte Suprema ay nagkaroon na rin ng mga babaeng Punong Mahistrado at marami na rin tayong mga babaeng mahistrado sa Hukuman ng Court of Appeals, Sandiganbayan, Court of Tax Appeals. Batay sa datos nitong Feb. 28, 2023, sa pangkalahatang bilang na 2,043 hukom sa buong bansa, 1,105 ay babae at 938 ang hukom na lalaki.Nagkaroon na rin tayo ng dalawang babaeng Ombudsman.
Sa sektor ng edukasyon, 89.58 % ng guro sa mababang paaralan at 77.06% ng guro sa high school ay mga babae. Sa larangan ng abogasya, ayon sa Korte Suprema (https://sc.judiciary.gov.ph/obc/) mas marami na ang bilang ng babaeng kumukuha ng bar exams. Sa 2019 Bar Exams, 1,214 ang babaeng pumasa kumpara sa 889 na lalaking pumasa. Sa pangkalahatang takbo ng aking propesyon na dati rati’y dominante ang kalalakihan, hindi magtatagal at madodominahan na ito ng kababaihan.
Sinabi ng Philippine Council of Women sa Gender Equality and Women Empowerment Plan 2019-2025 na kulang pa ang kababaihan sa larangan ng agham, teknolohiya, engineering at matematika. Marahil may kinalaman ito sa likas na pagkakaibang laki ng utak ng lalaki kumpara sa babae at kung paano itoumandar. Ayon sa OECD (ang organisasyon na nagbibigay ng Program for International Student Assessment) lumalabas namas lamang ang lalaki sa matematika samantalang babae ang mas mahilig magbasa. Pagdating sa agham, walang pinagkaiba ang marka ng lalaki sa babae.
Hindi paligsahan ng kasarian ang daan patungo sa paglutas sa problema ng hindi pagkapantay-pantay sa ating lipunan. Ang ating daigdig ay may Araw at Buwan, may Langit at Lupa, may Yin at Yang. Kailangan ng balanse sa buhay, sa pamilya, trabaho at lipunan. Hindi mainam ang diskriminasyon batay lamang sa kasarian dahil hindi ito makatwiran. May mga gawain na maaaring gawin ng dalawang kasarian ngunit mayroon naman din gampanin na mas bagay sa isang kasarian. Ipagbunyi at hangaan ang pagpupunyagi ng kababaihan ngunit huwag natin ambisyunin na mawala ang pagkakaiba ng kasarian sa lahat ng aspeto ng buhay ng tao dahil taliwas ito sa pagkakagawa sa atin ng Poong Maykapal. Mabuhay ang Kababaihan!