
Mabilis na solusyon muna
NAKIKIDALAMHATI tayo sa mga kababayan nating binaha diyan sa Bulacan matapos ang halos sampung araw na pagbubos ng malakas na ulan.
Maraming sisihan, maraming turuan na humahantong pa sa personal na away at pulitikahan. Hindi naman bago ang pagbabaha, lalo na kapag naging parang teleserye ang pag-ulan kahit saang parte ng bansa.
Sa Metro Manila, pangkaraniwan na ang baha. Sa Bulacan, may mga lugar na dati namang hindi binabaha pero sa pagkakataong ito ay binaha sila. Hindi rin natin masisi si Bulacan Governor Daniel Fernando kung nitong mga nakaraang araw ay mainit ang ulo sa kanyang mga sagot sa interview kaya kung sinu-sino ang nasisisi.
Ramdam naman natin ang sinsiridad ni Gov. Kailangan din kasi niyang sumagot dahil siya rin naman ang hinahambalos ng kanyang mga kalalawigan.
Ngayong pumayapa ang panahon, ang pag-isipan natin ay kung ano ang magandang solusyon. Okey din ang binabanggit ni Gov. Fernando na megadike mula Bataan, Pampanga at Bulacan pero hindi agad magagawa iyon para sa inaasahang mabilis na solusyon.
Iyon ang long term solution. Pero kailangan din natin ng immediate solution na abot-kamay muna natin gaya ng massive river dredging, massive cleanup drive ng mga waterways, massive rehabilitation ng mga seawalls at iba pang madaling gawan ng paraan.
Ang megadike baka kailangan natin ng isang trilyong pisong pondo na hindi rin kayang pondohan ng pribado kung si Ginoong Ramon S. Ang lang ang sinasabi ni gob na lalapitan. Kailangan sa ganyang dambulhang proyekto ay ang giant conglomerate na kabibilangan ng mga taong pikamayayaman dito sa atin. Mga Ayala, mga Sy, mga Gokongwei, mga Razon, mga Aboitiz, mga Tan, mga Gothianum, mga Pangilinan, mga Tancaktiong at isingit nyo na rin ang mga Encarnacion na kayang mag-donate kahit sampung supot ng semento!
Kailangan nating magtulung-tulong lahat para malutas ang palagiang problema sa baha.
***
Pinasasalamatan natin ang MMDA at DPWH sa maagap nilang pagkilos sa Edsa.
Hindi kayang gawin ang matagal nang planong major rehabilitation project sa Edsa pero puwede ang immediate solution
Sa tindi ng ulan, ang Edsa ay nagmukhang buwan na naman dahil sangkatutak ang uka matapos mabungkal ng pagbabaha at pag-uulan. Maaring maging sanhi ng aksidente ang mga malalaking lubak dahil iyong ibang butas, sobrang lalaki kung hindi agad masosolusyunan.
Ang maganda rito ay mabilis din naman ang kilos ng DPWH at ng MMDA. Simula pa nitong Agosto 4, nagtrabaho na ang mga bata ni Secretary Manny Bonoan.
Tama naman ang desisyon nila, one time big time repair na lang kaysa patagpi-tagpi. Matinding trapik ang nililikha ng kanilang Edsa repair pero kailangan nating magtiis lahat. Haggang Agosto 9 lang naman nakaprograma ang Edsa repair kaya sa mga oras na binabasa nyo ito, baka natapos na ng DPWH ang reblocking sa maraming butas.
Konting tiis, ika nga, no pain, no gain.