
Maayos na pagtrato ng PDL ang panukatan ng kaunlaran
SINABI ni Nelson Mandela,” No one truly knows a nation until one has been inside its jails. A nation should not be judged by how it treats its highest citizens, but its lowest ones.” Walang tunay na nakakakilala ng isang bansa hangga’t hindi nila napa pasok ang loob ng mga kulungan nito. Hindi dapat hatulan ang isang bansa ayon sa pagtrato nito sa pinakamataas na mamamayan nito, bagkus sa pagtrato sa pinakamababa sa mga mamamayan nito. (sariling salin)
Ang mga akusado (person deprived of liberty o PDL ) na humaharap sa paglilitis ng husgado ay hindi lamang pinagkakaitan ng kalayaan, ngunit tinitiis din ang mga mala-impiyernong kondisyon: walang espasyo sa pagtulog, walang sapat na bentilasyon dahil kulang ng mga bintana na dinadaluyan ng sariwang hangin, at pangangalagang pangkalusugan sa tuberculosis, galis sa balat at iba pang nakakahawang sakit at pati sakit sa pag-iisip. Sa tindi ng problema, dalawa at kalahating beses na mas mataas ang tiyansa ng PDL na mamatay sa loob ng mga piitan kaysa sa pangkalahatang populasyon ng Pilipinas.
Ayon sa COA 2022 Report, 378% ang congestion rate ng mga nagsisiksikang bilangguan. Isa sa sanhi ng paglala ng congestion rate ang anti-drug war ng pamahalaan mula 2015-2022. Batay sa datos ng United Nations Office on Drugs and Crime( UNODC) ang Pilipinas ang ikatlong bansa na sobrang mataas ang congestion rate at panglabing isang bansa na may malaking populasyon ng mga PDL.
Sa bigat ng problema, tinulak ng Justice Sector Coordinating Council ang pagdaraos ng isang National Decongestion Summit nitong Disyembre,2023 na dinaluhan ng mga opisyales ng Korte Suprema, DOJ , DILG, Senado at Kgg. Ispiker Martin Romualdez. Layon ng summit na makabuo ng mga istratehiya at konkretong hakbang sa pagpapatupad ng solusyon.
Sa unang tingin, bababa ang congestion rate sa pamamagitan ng pagpapatayo ng dagdag na mga bilangguan. Subalit sinabi ng UNODC handbook na ito ay hindi epektibo sa pangkalahatan.
Ipinapakita ng ebidensiya na hangga’t ang mga pagkukulang sa sistema ng hustisyang pangkrimen at sa mga patakaran ng hustisyang pangkriminal ay hindi natutugunan upang bigyang-katwiran ang pagpasok ng mga bilanggo, at hindi ipinapatupad ang mga hakbang sa pag-iwas sa krimen, ang mga bagong kulungan ay mabilis na mapupuno at hindi magbibigay ng pangmatagalang solusyon sa hamon ng pagsisikip ng bilangguan,” ayon sa UNODC handbook.
Samakatuwid, ang hindi sapat na imprastraktura ng bilangguan ay hindi pangunahing “sanhi” ng pagsisikip, bagkus ito ay isang sintomas lamang ng “dysfunction” sa loob ng sistema ng hustisya.
Tumutugma ang hinuhang ito ng UNODC sa sinabi ng COA Report 2022 na ang sanhi ng pagsisiksikan ng mga bilangguan ay ang mabagal na pag-ikot ng gulong ng hustisya dahil sa kakulangan ng mga hukom, madalas na pagpapaliban ng mga pagdinig, at mabagal na disposisyon ng mga kasong kriminal na may parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong. Bukod pa rito, hindi makapagpiyansa ang PDL dahil walang pambayad dulot ng kanyang kahirapan.
Sinabi ni Punong Mahistrado Alexander Gesmundo sa Summit na , “Ngayon, tayo ay gumagawa ng makabuluhang hakbang tungo sa pagwawasto nito — tungo sa pagtiyak ng mas mabuting pamamahala sa kulungan, ang makataong pag-iingat ng mga PDL , at ang mabilis na paghahatid ng tumutugon na hustisya, lalo na para sa mga taong nakasalalay dito ang buhay at kalayaan.”
Ang mga panukalang lumabas sa Summit ay uminog sa tatlong istratehiya: 1. upang bawasan ang mga papasok sa piitan, 2. upang paikliin ang panahon ng pananatili sa bilanguan , at 3. upang madagdagan ang mga mapapalaya. Ang pagrerepaso ng mga batas at pagsasabatas ng mga amyenda dito, paghirang ng mga hukom sa mga bakanteng husgado ay ilan lamang sa mga klarong hakbang upang solusyunan ang problema.
Kamakailan lamang ay nagpalabas ang Korte Suprema ng kauutusan ( A.M. No. 10-3-7-SC & A.M. No. 11-9-4-SC) na pinapayagan ang electronic filing ng pleadings ( maliban sa initiatory at initiatory responsive pleadings) sa iba’t ibang husgado upang mapabilis at mapaikli ang pagtanggap at pagpapasya ng husgado.
Sa tindi ng init ng panahon, mapalad tayong nakakatikim ng ginhawa sa pagtatampisaw sa dagat, ilog at pool, subalit hindi ito maaaring gawin ng mahigit 127,031 PDL na bawal lumabas sa loob ng mga mala-impiyernong bilangguan. Bastanteng pondo para sa planong nabuo sa summit, katambal ng masigasig na pagpapatupad nito, ang kailangan para bumaba ang congestion rate sapagkat ang maayos na pagtrato sa mga PDL ang panukatan ng kaunlaran.