
Luha at pagdadalamhati bumaha sa libing ni Ate Guy
Bumaha ng luha at pagdadalamhati sa libing ng nag-iisang Superstar at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor kahapon sa Libingan ng mga Bayani.
Binigyan si Nora ng state funeral rites with full military honors bilang pagpupugay sa kanyang pagiging Pambansang Alagad ng Sining.
Bukod sa mga anak ni Nora na sina Ian, Lotlot, Matet, Kiko at Kenneth de Leon, ang naturang state funeral ay dinaluhan din ng mga kaibigan, kamag-anak, kasamahan sa industriya at mga tagahanga ng Superstar.
Inilibing ang mga labi ni Nora sa Section 13 ng Libingan ng mga Bayani kasama ang iba pang national artists at scientists. Katabi niya ang direktor niya sa classic film niyang “Himala” na si Direk Ishmael Bernal.
Ilan sa mga artistang nakipaglibing ay sina Iza Calzado, Sen. Robin Padilla, Phillip Salvador, Imelda Papin, Nadia Montenegro, Joel Saracho, atbp.
Bago ang libing ay nagsagawa muna ng state necrological services sa Metropolitan Theater bilang pagpupugay kay Nora kahapon ng umaga.
Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng arrival honors bandang 8:30 ng umaga. Matapos ang pag-awit ng national anthem at invocation ay nagbahagi ng kanyang speech si Cultural Center of the Philippines (CCP) Vice Chairperson Carissa Coscolluella.
Pagkatapos nito ay isa-isang nag-alay ng bulaklak ang iba pang National Artists kay Ate Guy.
Nagbigay din ng tribute ang isa pang National Artist na si Ricky Lee at binalikan ang unang pagkiklta nila ni Nora at ang mga hindi niya malilimutang alaala sa yumaong kaibigan.
Naghandog naman si Aicelle Santos ng awitin at kinanta ang “Walang Himala” mula sa pelikulang “Isang Himala” kasama ang Philippine Madrigal Singers.
Inawit din ng Philippine Madrigal Singers ang isa sa signature songs ni Nora na “Handog”.
Nag-perform din sina Jed Madela at Angeline Quinto at inawit ang isa pang pinasikat na kanta ni Guy, ang “Superstar Ng Buhay Ko.”
Nagbigay ng tribute ang aktres at dating presidente ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio.
Umakyat sa stage si Ian kasama ang iba pa niyang kapatid at nagbigay din ng tribute sa namayapang ina. Pinasalamatan ng aktor sambayanang Pilipino sa pagmamahal, gayundin ang NCCA, sa pagbibigay ng rekognisyon sa namayapang Superstar.
“Ang kanyang mga karakter ay naging tulay para salamin ng ating lipunan. Sa bawat eksena, ginigising niya ang damdamin ng mga manonood, pinapaisip, pinaparamdam at ipinapamulat,” ani Ian.
“Sa sambayanang Pilipino at sa NCCA, maraming salamat sa pagkilalang ito. Pinatibay nito na ang pagdiriwang ng isang alagad ng sining ay hindi natatapos sa liwanag ng kamera kung hindi nagpapatuloy sa alaala, sa aral, at sa inspirasyong iniiwan nila pagkatapos isara ang kurtina. Maraming, maraming salamat po! Mabuhay ang sining, mabuhay si Nora Aunor!” pahayag ng aktor.