LTO

LTO nag-deploy ng E-Patrol sa Rizal Park

June 10, 2024 Jun I. Legaspi 142 views

NAG-deploy ang Land Transportation Office (LTO) ng E-Patrol Services sa Rizal Park sa Maynila para sa dalawang araw na pagproseso ng driver’s license at iba pang serbisyo ng ahensya bilang pagdiriwang ng ika-126 na Araw ng Kalayaan.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang deployment ng E-Patrol Services ay magaganap hanggang Martes, June 11, bilang suporta sa adhikain ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa publiko sa ilalim ng Bagong Pilipinas.

“This is also in line with the instruction of DOTr Secretary Jaime J. Bautista to ensure that all the services under the department are fast and comfortable,” ani Assec Mendoza.

Bukod sa pag-renew ng lisensya, sinabi ni Assec Mendoza na ang E-Patrol Services ay tatanggap din ng pagproseso ng Student Permit at mga reklamo sa pamamagitan ng Public Assistance Complaints Desk.

“We will also assist our clients regarding their LTMS Portal concerns like changing of password and retrieval of accounts,” ani Assec Mendoza.

Dapat aniyang samantalahin ng mga aplikante ang deployment ng E-Patrol Services dahil ang layunin nito ay matiyak ang komportable at mabilis na transaksyon para sa lahat ng kliyente ng LTO.

Ang lahat ng kailangang dalhin ng mga aplikante, ayon kay Assec Mendoza, ay mga kinakailangang dokumento tulad ng birth certificate, valid ID, TDC (Theoretical Driving Course) para sa mga aplikante ng Student Permit at patunay ng passing mark ng CDE (Comprehensive Driver’s Education) exam.

“The LTO family joins the Filipino people in celebrating our 126th Independence Day. At bilang bahagi ng ating pakikiisa ay inilapit natin ang ating serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Assec Mendoza.

“Tuloy-tuloy po ang ganitong klaseng pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan bilang bahagi ng malaking pagbabago sa larangan ng serbisyo publiko sa ilalim ng Bagong Pilipinas ng ating Pangulong Marcos,” dagdag niya.

AUTHOR PROFILE