DOTR Si DOTr Asec. at LTO Chief Jay Art Tugade (gitna) at ang mga samahan ng driving schools. Photo courtesy of LTO-Central Office

LTO, driving school groups nagkasundo sa ‘price cap’

April 14, 2023 Jun I. Legaspi 477 views

NAGKAISA ang Land Transportation Office (LTO) at ang grupo ng mga driving school sa pagbibigay ng mas “abot-kayang” halaga ng driver’s education, partikular na ang inaprubahang maximum prescribed rates o “price cap” na paiiralin na simula sa Abril 15.

Kasunod ito ng idinaos na pulong ng LTO sa mga miyembro ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc. (AADSPI), Philippine Association of LTO Accredited Driving Schools (PALADS), at iba kumpanya ng driving school sa bansa, Huwebes.

Sa nasabing pulong, ipinahayag ng mga dumalong driving school ang suporta sa layunin ng LTO na maging makatwiran at balanse ang singilin ng mga driving school kasabay ng pagtitiyak na makasusunod sa mga bagong panuntunan ng ahensya sa ilalim ng Memorandum Circular No. JMT 2023-2390.

Alinsunod sa LTO memorandum, nasa kabuuang P3,500 ang maximum na halaga ng Theoretical at Practical Driving Courses sa mga magmamaneho ng motorsiklo habang nasa P5,000 naman para sa light vehicle.

Inilatag din ng mga driving school sa pulong ang mga suhestiyon at paglilinaw kaugnay ng memorandum circular at siniguro ni LTO Chief Jay Art Tugade na tutugunan ang mga tanong sa lalong madaling panahon.

“Mananatiling bukas ang LTO sa mga suhestiyon na makatutulong para higit na maging epektibo at pabor sa masa o nakararaming Pilipino ang mga polisiya na ipinatutupad ng ahensya tulad ng memorandum circular na magiging gabay ngayon ng driving schools,” diin ni Tugade.

AUTHOR PROFILE