Loren1

Loren pinuri ni PRRD

May 6, 2022 People's Tonight 406 views

Sa dagdag sahod ng pulis, sundalo, libreng kolehiyo

Dahil sa mahalagang ambag ni Deputy Speaker Loren Legarda sa pagtataas ng sahod ng pulis at sundalo, maging sa universal health care, libreng college education at irigasyon, muling inendorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ang beteranong mambabatas sa darating na halalan sa Lunes.

Ayon sa Pangulo, karapat-dapat niyang suportahan si Legarda dahil sa kanyang mahusay na serbisyo bilang mambabatas at malaking kontribusyon sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Pilipino sa loob ng maraming taon.

“Alam niya kung bakit ko siya sinusuportahan. Ang hinahabol ko ‘yung utak kagaya ni Loren Legarda. Sayang kung wala yan sa Senado,” sambit ni Pangulong Duterte sa rally ng PDP-LABAN sa Rizal province noong Martes ng gabi.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, sinabi ng Pangulo na tinutukan ni Legarda ang mga budget amendments lalo na iyong makatutulong sa kapakanan ng mga Pilipino.

“Sa awa ng Diyos lahat ng hiningi ko, binigay niya… Yung free irrigation for small farmers siya nag-sponsor, siya nagpadagdag ng sweldo ng mga pulis at sundalo, ‘yung free college tertiary education, at ‘yung sinabi kong universal health care. ‘Yan ang some of the few na achievements niya,” diin ni Duterte.

Nagpasalamat naman si Legarda sa mabubuting salita, tiwala at buong suporta ng Pangulo sa kanyang pagbabalik-Senado.

Bilang pambato sa Senado ng Nationalist People’s Coalition, kasama sa mga panukalang batas na ihahain ni Legarda ang mga matagal na niyang adbokasiya sa pangangalaga sa kalikasan, climate change adaption, trabaho at kabuhayan, kalusugan, edukasyon at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE