Default Thumbnail

Lola,63, naglakad-lakad, nakitang patay, bali ang binti

April 27, 2021 Melnie Ragasa-limena 329 views

MASUSING iniimbestigahan ng pulisya kung ano ang sanhi ng pagkamatay ng isang 63-anyos na lola na natagpuang wala ng buhay matapos itong maglakad-lakad bilang ehersisyo sa Bgy. Bahay Toro, Quezon City, nitong Lunes ng madaling araw.

Sa ulat, bandang alas-5: 15 ng umaga (April 26) nang matagpuan ang bangkay ni Thelma Ermino Fabian, 63, biyuda, at residente ng No. 271 Pook Masagana, Bgy Bahay Toro, Quezon City, sa Mindanao Avenue North Bound, Brgy. Bahay Toro, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Jaime Samson,Traffic Investigator Sector 6 ng QCPD, nakatanggap sila ng tawag na may nakabulagtang matandang babae sa lugar kaya agad na nagresponde sina PCMS Alberto Dionisio, PCpl Raymart Acosta sa pamumuno ng Staff Duty Officer na si PLt. Harry L Basilla.

Pagdating sa lugar ay wala nang buhay umano ang lola at nang siyasatin ay bali ang kaliwang binti nito at marka ng mga galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nabatid na nakagawian na ng lola ang maglakad tuwing madaling araw na sinasabing ehersiyo nito upang hindi manghina.

Umalis umano ng kanilang tahanan ang lola bandang alas- 5:00 ng madaling araw pero hindi na ito nakauwi pa.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon kung ang lola ay biktima ng ‘hit-and-run’ kaya naghahanap ang mga awtoridad ng CCTV footage dahil walang nakasaksi kung ito ay naaksidente dahil sa madilim sa lugar.