
Lola tinamaan ng ligaw na bala dahil sa LQ
NAGTAMO ng tama ng ligaw na bala sa binti ang isang lola matapos na walang habas na magpaputok ang pamangkin nito sa gitna umano ng pakikipagtalo sa kanyang live-in partner, Lunes ng madaling araw sa panulukan ng Arellano Avenue at Cadena De Amor Street sa Malate, Maynila.
Bagama’t nakakalaya pa ang suspek ay kakasuhan pa rin ng paglabag sa Article 263 ng Revised Penal Code (RPC), serious physical injury dahil sa tinamong tama ng bala ang mismong tiyahin nito, 64, ng Malate.
Gayunman, inaalam pa ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station (PS) 9 sa PNP-Firearms Explosives Office (FEO) sa Camp Crame kung may lisensiya ang baril ng suspek na residente sa nasabing lugar habang ang nasabing presinto ay nagsampa ng kasong paglabag sa Article 254 (Illegal Discharge of Firearm) at RA (Republic Act) 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions.)
Ayon sa ulat ni Police Lt. Col. Salvador Tangdol, station commander ng PS 9, pasado alas 3:35 ng madaling araw, nang maganap ang insidente habang nasa gitna diumano ng pag-aaway ang suspek at ka live-in nito.
Bigla na lang umano binunot ng suspek ang kanyang dalang baril saka ito nagpaputok ng ilang beses sa isang pader kung saan malapit sa kinakatayuan ng biktima at may tumalbog na bala na tumama sa binti nito.
Agad namang isinugod ang biktima sa Ospital ng Maynila kasabay ng pagtakas ng suspek.
Hindi na mahagilap ang suspek sa isinagawang manhunt operation kaya nagbase ang mga imbestigador sa nakuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ng barangay.