Default Thumbnail

Lola nahagip ng motorsiklo habang tumatawid, patay

August 25, 2021 Edd Reyes 427 views

TUMILAPON ng ilang metro ang hindi pa nakikilalang matandang babae nang mahagip ng isang rumaragasang motorsiklo habang tumatawid sa malapad na lansangan ng C-3 Road Miyerkules ng umaga sa Caloocan City.

Kaagad namang isinugod ng nagrespondeng ambulansiya ng barangay ang biktimang tinatayang nasa pagitan ng 65 hanggang 70-taong gulang sa Caloocan City Medical Center subalit patay na nang idating sa naturang pagamutan.

Nilapatan din ng kaukulang lunas ang driver ng motorsiklo na nakilalang si Neil Patrick Marquez, 32, estudyante at naninirahan sa Phase 3C Block 14H Lot 16 Brgy. 16 matapos ding tumilapon nang mahagip ang matandang babae.

Sa ulat na isinumite ni Caloocan police traffic investigator P/Cpl. Andy Atendido kay P/Col. Samuel Mina, hepe ng Caloocan police, tumatahak sa lansangan ng C-3 Road dakong alas-7:30 ng umaga si Marquez sakay ng kanyang minamanehong motorsiklo patungo sa gawi ng Rizal Avenue Ext. nang mabundol niya ang biktima na tumatawid sa naturang lansangan sa kanto ng C. Cordero Street.

Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ng may ilang metro ang matandang babae at duguang bumagsak sa sementadong lansangan habang sumadsad din ang motorisklo ni Manuel matapos din siyang tumilapon.

Sinabi ni Col. Mina na kasong reckless imprudence resulting in homicide ang isinampang kaso ng pulisya laban kay Marquez sa piskalya ng Lungsod ng Caloocan.

AUTHOR PROFILE