Loisa

Loisa at Ronnie, ‘paraiso’ ang isa’t isa

July 14, 2023 Vinia Vivar 357 views

Aminado si Loisa Andalio na nasa paraiso siya ngayon dahil bukod sa maganda ang takbo ng kanyang career ay bongga rin ang kanyang lovelife sa piling ng boyfriend na si Ronnie Alonte.

“Siyempre, opo naman. Lahat po ng dumarating sa akin, walang maliit, walang malaki, lahat po ‘yan, pantay-pantay na blessing po.

“At masasabi ko po na yes, nasa paraiso po ako ngayon,” ani Loisa sa mediacon ng ABS-CBN new series na Pira-Pirasong Paraiso.

“Patuloy ko pa rin pong tutuparin ang mga pangarap ko. Hindi naman kailangan na kumplikado lahat. Kailangang i-feel mo lang na nasa paraiso ka kahit hindi. Think positive lahat, ” dagdag pa ng aktres.

Pagdating kay Ronnie, inamin din ni Lois na sure na siya na ang aktor ang “the one” for her.

“Siya na, siyempre. Papatagalin pa ba natin ang relasyon kung hindi mo naman nakikita ‘yung tao na siya ‘yung magtatagal para sa ‘yo,” sey ni Loisa.

Ganu’n din naman si Ronnie kay Loisa.

Sey ng aktor, ang girlfriend ang bumubuo ng kanyang paraiso dahil simula nang pumasok siya sa showbiz ay ito na ang kasama niya nang mahiwalay siya sa kanyang pamilya.

Nang matanong naman ng same question si KD Estrada ay ang ka-loveteam na si Alexa Ilacad ang kanyang sagot aside from his family and friends.

“Me and Alexa have such a great bond. Meron po kaming parang connection na alam namin kung ano ang nararamdaman ng isa’t isa kahit hindi kami nagsasalita,” sabi ni KD.

Anyway, ang Pira-Pirasong Paraiso ay co-production ng ABS-CBN at TV5. Magsisimula na ito sa July 25, 3 p.m., sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, A2Z at TV5.

Kasama rin sa lead stars sina Charlie Dizon at Elisse Joson mula sa direksyon nina Raymund Ocampo at Roderick Lindayag under Dreamscape Entertainment.

AUTHOR PROFILE