
Listahan ng mga OFW na dumanas ng abuso
UMAANI ng atensiyon ang imbestigasyon sa pagkamatay nina Jelyn Arguzon at Riolyn Sayson, parehong OFW sa Saudi Arabia. Hanggang ang ekonomiya ng Pilipinas ay umaasa sa OFW remittances, hindi magtatapos kay Arguzon at Sayson ang listahan ng mga OFW na dumanas ng pang-aabuso, pagmamaltrato, at kamatayan, madalas sa kamay ng kanilang mga amo at miyembro ng pamilya ng amo sa Middle East.
Hindi maikakaila na ang Pilipinas ay isang bansang nagpapadala ng migrant-workers sa maraming bansa mula pa dekada 70. Sa kawalan ng malaking Foreign Direct Investments (FDI) maliban sa mga POGO na pinatigil na ng Pangulo, ang labor export program ng pamahalaan ang tanging praktikal na mahalagang istratehiya sa ekonomiyang consumer-based na umaasa sa OFW remittances na umabot na sa U$ 36.14 Bilyon noon 2022 ( Bangko Sentral ng Pilipinas data).
Unang naitala ng pamahalaan noon 1969 ang pag-alis ng 3, 694 OFW. Ngayon , lumobo na ito sa 2,330,720 milyon OFW para sa taon 2023. At 49. 8% sa mga ito ay kababaihan at 31.1% ng mga kababaihan ay domestic cleaners at helpers ng 3D jobs ( Domestic, Dirty, and Dangerous jobs).
Noong 2020, halos 5,000 kaso ng maltreatment ng mga OFW ang naiulat, karamihan sa mga ito ay nagmula sa Middle East na may 4,302 na kaso. Sa kabila ng panganib sa buhay , ang Saudi Arabia ang may pinakamaraming land-based OFW ( 419,776) ayon sa Department of Migrant Workers para sa taon 2023.
Itinataya ng OFW ang buhay sa ibang bansa para lamang mabuhay ang pamilya dito sa Pilipinas. Hindi alintana ang dumi, hirap, kalungkutan, at panganib sa sarili para lang makapagpadala ng pera sa mahal sa buhay. Sa kabila ng mga protocol para mapangalagaan ang kaligtasan ng OFW sa Saudi , heto at may dalawang insidente na naman ng pagmamalupit ng amo ang inimbistagahan.
Bukod pa rito, ang mga anak ng OFW ay lumalaking walang naiipon na mga matamis na ala-ala ng pamamasyal, paglalaro at paglingap ng magulang sa oras na nadapa, nagkasakit o naaksidente ang bata. Maaaring may bakasyon ang magulang ngunit napakaikling panahon lang ito. May teknolohiya para sa video at audio calls ngunit hindi ito sapat para sa bata na ang love language ay physical touch. Sa madaling salita, malaki ang social cost na binabayaran ng labor export program ng bansa.
May hinala ang maraming edukador na ang labor export program ang tunay na dahilan bakit pinupuwersang ibalik sa sistemang bilinguwal gamit ang English at Filipino sa edukasyon ng mga bata. Tandaan natin na hindi naman international conference ang dinadaluhan ng mga OFW kaya hindi nila kailangan ng Cognitive Academic Language Proficiency sa English. Sa kanilang pakikipag-usap sa amo, basic interpersonal conversational English lang ang kailangan. Sa katunayan, dahil hindi marunong mag-English ang amo, kailangan pa ng OFW na aralin ang wika at kultura ng bansang pinagtratrabahuhan.
Tama ang kampanya ng Pangulong Marcos para sa Foreign Direct Investments upang hindi na tayo umasa lang sa OFW remittances na pundasyon ng ating ekonomiya sa ngayon. Tingnan ang mga bansang Komunistang China at Vietnam na humakot ng FDI at ng magaya natin. Iyan ang dapat pag-aralan ng Senado at Kongreso.