
Lifeblood of the nation
NORMAL lang magalit si dating Pangulong Rodrigo Duterte kung ‘inaaway’ ng ilang mambabatas ang kanyang anak na si Vice President at Education Secretary Inday Sara Duterte kaugnay ng usapin sa confidential fund.
Ngunit may karapatan ang mga mambabatas tulad ni Partylist France Castro na punahin ang confidential fund ng Department of Education (DepEd) dahil trabaho nila ito upang pangalagaan ang pondo ng bayan.
Sana ay irespeto ni Digong ang sistema ng ‘check and balance’ sa pagitan ng mga sangay ng ating gobyerno partikular ang executive at legislative dahil mahalaga ito sa pagpapanatili ng demokrasya sa ating bansa.
Kailan lang ay napikon na si Digong sa mga kritiko ni Inday Sara mula sa Kongreso kaya nanawagan ito sa mga mamamayan na itigil ang pagbabayad ng buwis kung hindi maididitalye ng mga mambabatas ang paggastos ng national budget.
Pero delikado ang panawagang ito ni Digong dahil baka samantalahin ito ng mga nais manggulo sa ating lipunan.
Mamamatay ang ating gobyerno kung mapuputol ang pagdaloy ng pondo mula sa buwis na ibinabayad ng ating mga mamamayan dahil ito ang ginagamit na pambayad sa mga mahahalagang pangangailangan ng ating bayan tulad ng peace and order, education, health, employment at marami pang iba.
Kaya nga ang tawag sa buwis ay ‘lifeblood of the nation’.
Paano na kung wala tayong panustos para sa sweldo ng ating kapulisan, mga sundalo, doktor, guro at mga empleyado ng iba’t-ibang sangay ng gobyerno? Hindi ba’t magiging isa itong malaking kaguluhan?
Isa pa, paglabag sa batas ang hindi pagbabayad ng buwis lalu pa’t kung sabay-sabay itong gagawin ng marami sa ating mga kababayan.
Kung ito ay labag sa batas at magiging dahilan ng kaguluhan sa ating bansa, hindi ba’t maituturing itong sedisyon?
Sana ay maalala pa ni Digong na sa kanyang panunungkulan bilang pangulo ay maraming humanga sa kanya dahil pinarusahan niya ang mga hindi nagbabayad ng buwis sa pangungna na ng ABS – CBN.
Sayang naman ang paghangang iyon kung siya mismo ang nananawagan ngayon sa mga Pilipino na itigil ang pagbabayad ng buwis.
**
For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]