Martin2 SPEAKER SA NKTI – Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay nagbigay ng mensahe sa groundbreaking ng bagong Hemodialysis building sa loob ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) compound sa Quezon City umaga ng Miyerkules. Kasama niya sina House Committee on Appropriation Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, Public Works and Higways Secretary Manuel Bonoan, Vice Mayor Gian Carlo Sotto, Department of Health Undersecretary Elmer Punzalan at NKTI Executive Director Rose Marie Rosete-Liquete. Kuha ni VER NOVENO

LIBONG MAY SAKIT SA BATO MASASAGIP NG GOBYERNO

June 26, 2024 People's Tonight 175 views

MartinMartin1Ayon kay Speaker Romualdez

MALAKI ang magagawa ng gobyerno upang mapahaba ang buhay ng libu-libong Pilipino na mayroong sakit sa bato at sumasailalim sa dialysis, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa groundbreaking ceremony ng pinakamalaking hemodialysis center sa bansa na itatayo sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City.

Nakasama ni Speaker Romualdez sa event sina Appropriations committee chairman Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, mga opisyal ng Quezon City sa pangunguna ni Vice Mayor Gian Carlo G. Sotto, Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Manuel M. Bonoan, mga opisyal ng Department of Health, at mga opisyal ng NKTI sa pangunguna ni Executive Director Dr. Rose Marie Rosete-Liquete.

“Today, we are not just building an edifice. We are laying the foundation for hope, modern healthcare, and better quality of life for millions of Filipinos suffering from kidney ailments,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“Ang bawat dialysis machine na gagamitin dito ay katumbas ng buhay na maaring masagip, pamilyang magkakaroon ng pag-asa, at mga pangarap na maari pang matupad,” sabi pa nito.

“Malaki ang magiging epekto ng proyektong ito sa buhay ng ordinaryong Pilipino. Hindi na nila kailangang bumiyahe ng malayo o kaya’y maghanap ng malaking halaga para lang makapagpagamot. Dito, sila’y magkakaroon ng access sa modernong pasilidad at de-kalidad na serbisyo para maibsan ang kanilang karamdaman,” dagdag pa ng solon.

Ang sakit sa bato ang isa sa pangunahing sakit na kumikitil sa buhay ng mga Pilipino. Nasa isang milyong Pilipino ang pinaniniwalaang mayroong ganitong sakit. Kailangan ng mga ito na sumailalim sa dialysis hanggang sa makahanap ng donor para sa kidney transplant.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang 13-palapag na NKTI Hemodialysis Center ay bahagi ng Legacy Specialty Hospital Project ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

Ang NKTI ay isa sa mga specialty hospital na itinayo noong unang Marcos administration sa inisyatiba ni First Lady Imelda Romualdez Marcos, kasama ang Heart Center, Children’s Medical Center at Lung Center.

“Sinimulan po ito ng kanyang butihing ina…noong ‘70s at ngayo’y ipinagpapatuloy ng ating Pangulo para sa milyun-milyong Pilipino,” sabi nito.

“Ang Hemodialysis Legacy Building na ito ay patunay na patuloy ang misyon ni Pangulong Marcos, Jr. na bigyan ng de-kalidad na serbisyo ang bawat Pilipino sa larangan ng kalusugan at medisina. Maraming, maraming salamat po Mr. President!” dagdag ng lider ng Kamara.

Sinabi ng lider ng Kamara na ang hemodialysis facility ay magsisilbi ring training facility para sa mga health professional.

“Bukod sa building at machines, magkakaroon din tayo ng training facilities na magtuturo at magpapalakas sa ating healthcare professionals, lalo na ‘yung mga taga-probinsya,” sabi pa nito.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang pasilidad ay Mega Hemodialysis Legacy Building “dahil napag-alaman ko na this will be the biggest Hemodialysis facility in the Philippines! Once completed, this facility will house 200 dialysis machines. Sa kasalukuyan, ang Lungsod ng Maynila ang may pinakamarami – meron silang 100 machines. Dodoblehin natin ‘yan ito dito sa NKTI!”

“Ang proyektong ito’y mahalagang hakbang ‘di lamang para sa NKTI kundi para sa buong bansa. Bahagi ito ng ating patuloy na pagsisikap para mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan,” sabi pa nito.

Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa mga opisyal at tauhan ng NKTI na naglaan ng kanilang oras at serbisyo sa mga pasyenteng may sakit sa kidney at sa mga Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal.

Pinasalamatan din ni Speaker Romualdez ang DPWH at ang pribadong sektor sa kanilang pakikiisa sa Public-Private Partnership Program upang maitayo ang hemodialysis center.

“Ang tagumpay ng proyekto ay patunay na kapag nagtutulungan ang gobyerno at pribadong sektor, walang imposible,” sabi nito.

Bukod sa Legacy Specialty Hospitals, sinabi ni Speaker Romualdez na inilungsad din ni Pangulong Marcos ang Legacy Food Security na naglalayong tulungan ang mga magsasaka na dumami ang kanilang ani at lumaki ang kanilang kita, at mapababa ang presyo ng pagkain sa bansa, at Legacy Housing para matulungang magkaroon ng sariling bahay ang mga mahihirap na pamilya.

“Makakaasa kayo na buong-buo ang suporta namin sa House of Representatives sa three major pillars na ito – ang Legacy Specialty Hospitals, Legacy Food Security at Legacy Housing ng Pangulo.

Titiyakin namin na may sapat na pondo ang mga proyektong ito,” ani Speaker Romualdez.

“Magkaisa po tayo sa patuloy na pag-abot ng mas mataas na antas ng serbisyong pangkalusugan para sa bawat Pilipino. Sama-sama, kaya nating makamit ang mas maliwanag at mas malusog na kinabukasan para sa ating bansa,” dagdag pa nito.

AUTHOR PROFILE