Loren

Legarda, inendorso ng INC

May 5, 2022 People's Tonight 289 views

At 11 iba pa

INENDORSO ng maimpluwensyang Iglesia ni Cristo (INC) ang Senate bid ng tatlong terminong senador na si Loren Legarda at 11 iba pang ‘senatorial aspirants’ ngayong May 9, 2022 national elections.

Bukod kay Legarda, nagpahayag din ng suporta ang INC sa kandidatura nina dating Bise Presidente Jejomar Binay, dating Senador Jinggoy Estrada at iba pa.

Ang anunsiyo ng suporta ay isinahimpapawid noong Martes sa Net 25, isang TV network na pag-aari ng INC.

“Lubos po ang aking pasasalamat sa napakalaking karangalang mapabilang sa labindalawang kandidato para senador na susuportahan ng Iglesia Ni Cristo,” ang mapagpakumbabang reaksiyon ni Legarda.

“Kapag muling nahalal sa Senado, tutumbasan ko po ng sipag at buong pusong paglilingkod ang tiwalang ipinagkaloob ng kapatirang Iglesia Ni Cristo sa pangunguna ng tagapamahalang pangkalahatan kapatid Eduardo V. Manalo,” dagdag pa niya.

Samantala, maliban pa sa suportang tinanggap sa INC, nakuha rin ni Legarda ang ‘endorsement’ ng ‘Catholic charismatic group’ na El Shaddai. Una rito, inendorso rin ang beteranong senador ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga local chief executives sa iba’t –ibang panig ng bansa.

Kandidatong pagka-senador ng Nationalist People’s Coalition (NPC), hindi nagbabago o “consistent” si Legarda sa mga isyung isinusulong tulad ng pagbibigay ng proteksiyon sa kalikasan, pagtugon sa ‘climate change’ hanapbuhay, kalusugan, edukasyon at mga programang pangkabuhayan para maiangat ang kalagayan ng mahihirap na Pilipino.

AUTHOR PROFILE