Bong Go

Layon ng Super Health Centers: Maagang pagtuklas sa sakit, libreng konsultasyon

August 16, 2023 People's Tonight 158 views

LAYON ng pagtatatayo ng Super Health Centers (SHCs) ang maagang pagtuklas sa mga sakit, at libreng konsultasyon para sa naninirahan sa mga liblib na lugar sa bansa, ayon kay Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health.

Bukod dito, sinabi ni Go na ang SHCs ay gagawing padaliin ang access ng mga Pilipino sa serbisyong pangkalusugan na inaalok ng gobyerno.

Ang SHCs ay medium na bersyon ng isang polyclinic at mas pinahusay na bersyon ng isang rural health unit.

Isinulong ni Go ang pagtatayo ng mga naturang center sa panahon ng administrasyong Duterte at patuloy na sinusuportahan ang pagpopondo nito upang mailapit sa mga tao ang serbisyong medikal mula sa pamahalaan.

“Ang mga buntis, nanganganak na lang sa tricycle, sa jeepney dahil napakalayo po ng mga ospital,” ani Go dahil sa kawalan ng access sa healthcare facilities ng mga 4th class, 5th class, at 6th class municipalities na naglalagay sa marami nating kababayan sa deperadong sitwasyon.

Ayon kay Go, aabot sa 629 SHCs ang itatayo sa buong bansa ngayong 2023.

Binigyang-diin niya ang estratehikong paglalagay ng SHCs lalo sa mahihirap na puntahang lugar upang mas maagang matuklasan ang mga may sakit sa pamamagitan ng libreng konsultasyon at mapangalagaan ang kanilang kalusugan.

“Pwede na pong magpakonsulta d’yan kapag nagamot na d’yan, na-check up na d’yan, naaagapan ang paglala ng sakit… nagamot na, nakonsulta ay hindi na po dadalhin sa ospital… so, it will decongest ang mga ospital,” paliwanag ni Go.

“Malaking tulong po ito sa ating mga kababayan, lalo na po sa malalayong lugar,” idinagdag ng senador.

Kinumpirma ni Go na marami nang naturang proyekto ang natapos, halimbawa sa Bataan, Cagayan, Bulacan, at marami pa.

Pinuri niya ang pakikipagtulungan ng mga local government units na nag-ambag sa tagumpay ng mga center na ito.

“Malaking tulong po ito na mailapit natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Congratulations po sa DOH (Department of Health) at sa mga kasama natin sa Kongreso sa pagsuporta sa Super Health Center,” ani Go.

Samantala, sinabi ni Go na nananatili siyang nakatutok sa kanyang kasalukuyang mga responsibilidad habang pinasalamatan niya ang tiwala at suporta mula sa mga tao.

“Nakakawala ng pagod. Nawawala ang aking pagod tuwing naririnig ko na nandiyan ang tiwala. ‘Yun po ang nagbibigay-lakas sa akin, ang taumbayan po,” sabi ni Go.

Sa survey na isinagawa ng OCTA Research mula Hulyo 22 hanggang 26 na kinasasangkutan ng 1,200 respondents mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, pumangalawa si Go sa mga posibleng kandidato sa pagkasenador para sa 2025 mid-term election, na may preference rating na 55 percent.

AUTHOR PROFILE