
LAV sa mga parak simula na
NAGSIMULA na noong Lunes ang Local Absentee Voting (LAV) para sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP).
Dalawang linggo bago ang halalan, pinangunahan ni PNP chief General Rommel Francisco D. Marbil ang pagbubukas ng LAV sa pamamagitan ng maagang pagboto upang magsilbing inspirasyon sa kapulisan.
Mula sa humigit-kumulang na 33,000 na PNP personnel na nag-parehistro para mag-avail ng LAV, umaabot sa 1,471 na Camp Crame-based na mga opisyal at tauhan ng PNP ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang gamitin ang kanilang karapatan na bumoto kasabay ng kanilang paghahanda para sa election duties sa buong bansa.
Binigyang-diin ni P/Gen. Marbil ang kahalagahan ng pagboto, lalo na sa mga tagapagpatupad ng batas sa kanyang mensahe sa pagbubukas ng LAV.
“Hindi lang tayo tagapagtanggol ng demokrasya, bahagi rin tayo ng demokrasya.
Ang pagboto ay hindi lang karapatan, kundi tungkulin natin. Isa itong paraan para ipakita ang pagmamahal natin sa bayan,” ayon sa PNP chief.
Tiniyak din ni Gen. Marbil sa publiko na handang-handa na ang PNP na siguraduhin ang kaligtasan ng nalalapit na halalan, sa tulong ng kanilang mga tauhan, mobility assets, at logistical resources.
Pinaalalahanan din niya ang lahat na manatiling mapagmatyag at propesyonal sa harap ng mga posibleng banta sa integridad at seguridad ng eleksyon.
Magpapatuloy ang LAV hanggang Abril 30 kung saan pinapayagan ang mga pulis, sundalo, media workers, at iba pang frontline government workers na makaboto nang mas maaga para matiyak ang kanilang partisipasyon sa demokratikong proseso.