Default Thumbnail

‘Lasing’ nilamon ng sapa

May 9, 2023 People's Tonight 228 views

GUIMBA, Nueva Ecija – Isang sinasabing “lasing” na lalaki diumano ang nalunod matapos lumangoy sa isang sapa dito noong Lunes, Mayo 8.

Ayon sa pulisya, ang biktima, 28, binata, ay pawang residente ng Barangay San Marcelino, ng bayang ito.

Nagtungo ang mga awtoridad sa lugar matapos silang i-alerto ng isang concerned citizen na i-check ang insidente alas-6:40 ng gabi.

Pagdating sa lugar, nalaman ng mga rumespondeng pulis sa pangunguna ni Corporal Kelvin Craig Gerodias na narekober na ang wala nang buhay na katawan ng biktima.

Sa imbestigasyon, nakita ng isang testigo na kinilalang si Warlito Vergara, 53, kapitbahay, ang biktima na umano’y nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, lumalangoy na diumano at nagtangkang tumawid sa kabilang bahagi ng sapa.

Maya-maya, napansin daw niya na biglang nawala ang biktima.

Humingi ng tulong ang saksi at dumating ang mga barangay rescuers at narekober ang bangkay ng biktima bago ito dinala sa barangay hall alas-5:20 ng hapon dito.

Sinabi ng kapatid ng biktima sa pulisya na kumbinsido sila na ang insidente ay aksidente lamang at walang “foul play” na nangyari.

AUTHOR PROFILE