Baril Source: PNP FB file photo

Lasing na obrero,33, sabit sa pagmolestiya ng guro, 46; boga

June 17, 2024 Jojo C. Magsombol 545 views

Kampo Heneral Malvar, Batangas — Isang obrero ang dinakma ng mga otoridad sa umano’y kasonng pagmolestiya sa isang babae at pag-iingat ng baril sa Brgy. Sabang, San Jose, Batangas, ayon sa report kay Batangas police director PCol. Jacinto R. Malinao, Jr., Biyernes ng madaling-araw.

Ang biktima ay kinilalang alyas Anne, 46, guro, at residente ng Brgy. Mojon Tampoy, San Jose.

Ang suspek ay kinilalang si Alyas JR, 33, binata, construction worker, residente ng Brgy. Sabang, ng nasabing bayan.

Ang kapatid ng biktima ay personal na nagtungo sa San Jose Municipal Police Station (MPS) at inereport ang insidente.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang biktima ay nakipag-inuman umano sa suspek.

Napag-alaman ng pulisya na ilang sandali pa, tinanong umano ng suspek — na noo’y lango na sa alak — ang biktima kung maaari niya itong samahan pabalik sa kanyang bahay.

Ayon sa biktima, ang suspek ay humihiling ng halik.

Nang tumanggi ang biktima ay nagalit umano ang suspek, bigla siyang dinaklot sa bisig at ikinulong sa bahay ng isang oras.

Mabilis na nagtungo ang mga nagrespodeng pulis, kasama ang kapatid ng biktima at mga barangay opisyal sa bahay ng suspek na nagresulta sa kanyang pagkaka-aresto.

Narekober ng mga pulis ang isang caliber .38 revolver na walang serial number at body bag na naglalaman ng tatlong pirasong bala para sa kalibre .38.

Ang suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 8353 o Anti-Rape Law of 1997 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, ayon kay Malinao.

AUTHOR PROFILE