Suspek

Lasing na lalaki nanira sa 7/11 nanakal pa ng customer

July 10, 2024 Edd Reyes 482 views

NAGWALA sa loob ng kilalang convenience store na bukas ng 24-oras ang lalaking lango sa alak at nanakal pa ng kabataang lalaking customer Miyerkules ng umaga sa Pasay City.

Tumigil lamang sa pagwawala ang suspek na si alyas “Jay Ar”, residente ng San Fernando, Pampanga, nang matunugan ang pagdating ng pulis kaya’t nagkulong sa banyo sa ikalawang palapag ng establisimiento.

Sa ulat ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, dakong alas-5 ng umaga nang pumasok ang diumano’y lasing na suspek sa 7/11 Convenience Store sa kanto ng EDSA at C. Jose St. Brgy. 159 at sa hindi batid na dahilan ay bigla na lamang pinagsisira ang mga naka-display na produktong paninda.

Napagdiskitahan din ng suspek ang 20-anyos na customer na si alyas “Menard” na kanyang sinunggaban at sinakal kaya’t humingi na ng tulong sa pulisya ang store manager na si John Philip Clave, 32.

Unang inakala ng mga tauhan ng Pasay Police Sub-Station 6 na hostage-taking ang nangyari subalit nang matiyak ni P/Lt. Claver Lang-ay, ang Commander ng naturang sub-station na nag-iisa lang sa banyo ang suspek, puwersahan na nila itong pinasok ang inaresto.

Sinabi ni Col. Pabonita na hindi pa makausap ng matino ang suspek dahil sa kalasingan kaya’t hindi pa nila alam ang motibo sa paninira habang nagpasiya naman ang binatang nasakal na huwag ng maghain ng reklamo.

Dahil dito, kasong alarm and scandal at malicious mischief lamang ang kasong isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE