
Lampas 180,000 pamilya nabigyan ng ayuda ng PCUP
LUMAGPAS na sa 180, 000 pamilya mula sa iba’t ibang panig ng bansa ang nabigyan na ng ayuda ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) simula nang magsagawa ito ng relief operation noong kasagsagan ng lockdown bunsod ng pandemyang COVID-19.
Ito ay sa tulong ng iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan at ilang pribadong kompanya at organisasyon na hindi nag-alinlangang magpaabot ng tulong sa mga kababayang lubhang apektado ng pandemya na karamihan ay nawalan din ng trabaho at hirap upang tustusan ang mga pangangailangan ng pamilya.
Ilan lamang sa mga ipinamamahagi ng PCUP sa mga komunidad ng maralita ay mga food packs na galing sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ready-to-cook items mula sa Jollibee Group Foundation (JGF), iba’t ibang klase ng gulay na handog naman ng Department of Agriculture (DA) habang naging katuwang din ng Komisyon sa pamamahagi ng tulong ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na sako-sakong mga bigas na may kasama pang grocery items naman ang ipinamigay.
“Limitado man ang pondo ng PCUP sa pagsasagawa ng relief operation, hindi ito naging dahilan upang huminto ang Komisyon sa pagseserbisyo sa taumbayan. Kami ay nakipag-ugnayan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at mga pribadong institusyon at korporasyon upang ilapit sa mga ito ang maralitang tagalungsod at mabigyan ng agarang tulong sa panahon ng pandemya,” ani PCUP Chairman at CEO, Undersecretary Alvin S. Feliciano.
“Hindi pa tapos ang aming pagpapaabot ng tulong dahil kulang pa ang numerong iyan. Marami pang mga kababayan natin ang nangangailangan ng tulong lalo na’t hindi pa tapos ang laban ng bansa kontra COVID-19 kaya naman ay mas magiging masigasig ang aming ahensya na dagdagan pa ang bilang ng mga benepisyaryong nakikinabang sa programa ng PCUP,” dagdag pa niya.
Tuloy-tuloy naman sa pag-arangkada ang PCUP relief operation upang suyurin ang mga komunidad ng maralita na hindi masyado naaabutan ng tulong. Kasama rin sa mga ipamimigay ng Komisyon ay mga face masks, face shields, at alcohol bilang pagsuporta nito sa kampanya ng gobyerno na sugpuin at wakasan ang COVID-19.
Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PCUP sa iba pang mga pribadong organisasyon upang maasistehan ang mas malawak pang hanay ng maralitang Pilipino na labis na nangangailangan sa panahon ngayon.