Default Thumbnail

Lalaking ‘may something’ umakyat ng billbord

August 23, 2023 Edd Reyes 227 views

MAAYOS na naibaba ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang 38-anyos na lalaking magdamag na namalagi sa isang billboard Miyerkules ng umaga sa Caloocan City.

Sa ulat ni Caloocan City Fire Department F/Supt. Eugene Briones, naiparating sa kanilang kaalaman ang pananatili ng lalaki sa itaas ng billboard sa labas ng Monumento Light Rail Transit (LRT) 1 Station Miyerkules ng umaga kaya’t kaagad silang nagresponde upang mailigtas ito.

Nang dumating sa naturang lugar, kaagad na inakyat ng Rescue Team ng BFP ang lalaki at pakikiusapan sanang bumaba dakong alas-7:05 ng umaga subalit dinatnan nilang natutulog ito sa malapad na frame ng billboard.

Nagresponde rin sa naturang lugar ang mga tauhan ni Calocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta upang mai-kordon ang lugar makaraang magsimulang dumami ang mga taong nag-uusyoso dahilan upang lumikha ng pagbagal ng daloy ng trapiko sa lugar.

Unang napagkalamang may diprensiya sa pag-iisip ang lalaki subalit natuklasang naglasing muna bago umakyat sa billboard Martes ng gabi dahil umano sa pinagdadaanang mabigat na problema sa buhay.

Hindi na binanggit kung ano ang mabigat na suliranin ng lalaking tubong-Bataan na ngayon ay naninirahan sa isang barangay sa Navotas City.

Ayon sa Supt. Briones, hinang-hina at amoy alak pa ang lalaki kaya’t ipinasiya nilang dalhin sa pagamutan upang masuri ang kanyang kalagayan.

AUTHOR PROFILE