Default Thumbnail

Lalaking may bitbit na baril, huli sa Malabon

August 20, 2022 Edd Reyes 287 views

NADAKIP ng pulisya ang 40-anyos na lalaking may bitbit na baril habang pagala-gala sa lansangan Biyernes ng hapon sa Malabon City.

Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Albert Barot, mismong ang mga tauhan ng Barangay Information Network (BIN) ng Bgy. Potrero ang tumawag sa kanila upang i-report ang namataan nilang lalaki, walang trabaho at residente ng VMN Compound, Bgy. Potrero, habang gumagala sa naturang compound dakong alas-4:20 ng umaga, bitbit ang isang uri ng baril.

Kaagad namang nagresponde sa sinasabing lugar ang mga tauhan ng Station Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Richel Sinel, kasama si P/Lt. Mark Xyrus Santos at kanyang mga tauhan sa Sub-Station 1 kaya’t inabutan pa nila ang suspek na bitbit pa rin ang isang kalibre .38 revolver.

Matapos pagsalikupan ng mga pulis si Hersano, hiningi sa kanya ang lisensiya at “permit to carry firearms outside residence” ng dalang baril na may anim na bala subalit wala siyang maiprisinta.

Dahil dito’y dinakip na siya nina P/Cpl. Christopher Chan at P/Cpl. Christian Benedict Casas para sampahan ng paglabag sa kasong RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act.

AUTHOR PROFILE