Default Thumbnail

Lalaki siningil sa kinain, nagbayad ng ‘saksak’

March 30, 2023 Melnie Ragasa-limena 176 views

SUGATAN ang isang negosyante nang saksakin umano ng lalaki na kaniyang siningil matapos kumain sa kaniyang food stall sa lungsod Quezon.

Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktima na si Raymond Redondo, 38.

Agad naaresto ang suspek na si Wilson Mamulang, 34 taong gulang.

Sa imbestigasyon ng pulisya nangyari ang insidente sa Barangay Payatas bandang 8:40 p.m.

Nag uusap umano ang biktima at ang kaniyang asawa sa tapat ng kanilang tahanan ng mapadaan ang suspek.

Nagalit umano ang suspek nang singilin ng biktima sa kinain nito sa kaniyang food stall.

Nauwi sa suntukan ang paniningil hanggang sa bumunot ng ice pick ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima.

Agad na tumakas ang suspek hanggang sa maaresto ng nagrorondang operatiba ng Payatas police station.

Patuloy na ginagamot ang biktima sa isang ospital sa lungsod Quezon.