
Lalaki nilalas ang leeg ng kainuman
SUMIRIT ang dugo sa leeg ng isang 31-anyos na lalaki matapos na laslasin ng isa sa kanyang dalawang nakainumam sa Romana St., Tondo, Maynila, Lunes ng madaling araw.
Dead on arrival sa Tondo General Hospital ang biktimang si Gerome Ausina, ng Rosal St. Happy Land, Vitas sa Tondo.
Tinutugis naman ang tumakas na suspek na nakilalang si Mark Anthony Estanislao at isang alyas “Neil” lulan ng Yamaha NMax motorcycle.
Base sa ulat na isinumiti ni Det. Irene Manalili, kay P/Lt. Adonis Aguila, hepe ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, naganap ang insidente bandang 3:30 ng madaling araw sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman umano ang dalawang suspek at ang biktima nang magkaroon ng mainitang pagtatalo at kasunod ay nagpambuno ang biktima at si Estanislao hanggang magawa nitong laslasin ang leeg ng biktima.
Mabilis naman tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo habang isinugod sa pagamutan ang biktima pero hindi na ito naisalba ng mga doktor.