
Lalaki kinatay ex-gf, naglaslas
NAGTANGKANG magpakamatay ng isang 24-anyos na lalaki matapos umanong saksakin ng maraming beses ang kanyang dating ka-live-in partner na tumangging makipagbalikan sa kanya.
Idineklarang dead on arrival sa East Avenue Medical Center ang 28-anyos na babae matapos magtamo ng saksak sa mukha at leeg.
Patuloy namang ginagamot sa parehong ospital ang suspek dahil umano sa laslas sa pulso at sa kemikal na ininom nito.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD), nangyari ang insidente alas-nuwebe ng gabi ng Agosto 14 sa loob ng tahanan ng biktima sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Ayon sa pulisya ay naghiwalay ang biktima at ang suspek noong Mayo 2023 matapos magsama ng limang taon. Physical abuse umano ang dahilan ng paghihiwalay ng dalawa.
Nitong Lunes ng gabi ay dumating umano ang biktima sa kanyang inuupahang kuwarto kasama ang kanyang tiyahin nang mapansin niya na sira ang nakakabit na kandado sa pintuan ng kanyang kuwarto.
Laking gulat umano ng biktima nang makita sa loob ng kanyang kuwarto ang suspek kaya agad niyang sinabihan ang kanyang tiyahin na huwag munang pumasok.
Matapos ang ilang minuto ay narinig umano ng tiyahin ng biktima na humihingi ng tulong ang kanyang pamangkin.
Nakita umano niya na hinila ng suspek ang buhok ng biktima at kinaladkad papasok ng kuwarto.
Agad na humingi ng tulong ang testigo matapos niyang makita na sinasaksak ng suspek ang biktima.
Natagpuan ang duguang katawan ng biktima sa lapag ng kuwarto habang nakahiga naman sa kuwarto ang suspek na bumubula umano ang bibig at may hawak pa na patalim.
Narekober ng Scene of the Crime Operatives team ng QCPD Forensic Group and isang kitchen knife, dalawang gunting na parehong my bahid ng dugo at isang bote ng Zonrox.
Base sa cursory examination ng pulisya ay nagtamo ng mga saksak ang biktima sa mukha at leeg, habang may laslas naman umano ang suspek sa kanang pulso.
Ayon sa suspek ay tumanggi umano ang biktima na makipagbalikan sa kanya.