Posas1

Lalaki huli sa cellphone snatching

October 30, 2023 Edd Reyes 190 views

TIKLO sa mga pulis ang lalaki na umagaw sa cellphone ng 64-anyos na lola noong Linggo ng hapon sa Malabon City.

Tinangka pa sanang manlaban ni Maria Paz Guevarra, ng Manapat St. Brgy. Tañong, pero naglabas ng patalim ang suspek na si alyas Rodel kaya hinayaan na lang niyang makuha ang kanyang Samsung phone na P9,000 ang presyo.

Pero dahil desididong mabawi ang ninakaw sa kanya, nakahingi ng tulong ang biktima kina P/SSgt. Willie Castro at Pat. Mark Riven Quirona, na nakatalagang magbantay sa polling center ng Tañong Integrated School kaugnay sa Barangay at SK Elections, kaya nahabol at na-korner ang suspek

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nabawi mula sa snatcher ang tinangay na cellphone at ang patalim na ipinanakot sa kanyang biniktima.

Iprinisinta na ni P/SSgt. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, sa Malabon City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceedings.

Kinasuhan ng robbery-snatching at paglabag sa BP-6 o illegal possession of deadly weapon in relation to Omnibus Election Code ang isinampang kaso sa lalaki.

AUTHOR PROFILE