
Lalaki binayaran ng kadyot, tigok
DEDO kamakailan ang isang lalaki ng pagsasaksakin ng may utang sa kanya sa Evangelista St., Phase 1A, Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.
Nasawi si Manuel Del Socorro Fabro, ayon sa Rodriguez police, dahil sa saksak ni alyas Jojo bandang alas-8:00 ng gabi.
Nag-usap ang dalawa at napag-alamang binantaan ang biktima ng suspek na hindi na siya magbabayad at sinabing kukunin niya ang kanyang baril.
Ilang sandali, kumuha ng matalim na bagay ang suspek at pinagsasaksak ang biktima ng ilang beses sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang ang isa pang suspek na nakilalang si alyas Jomar ay dumating at sinuntok ang biktima.
Matapos ang insidente, tumakas ang dalawang suspek habang dinala ang biktima sa Infirmary Clinic sa Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez.
Binawian ng buhay ang biktima habang ginagamot, ayon sa attending physician na si Dr. Katzen Cruz Consulta.
Sumuko si alyas Jojo at nakuha sa kanya ang screwdriver na ginamit sa krimen.