Lacuna Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang groundbreaking ceremony ng Lagusnilad rehabilitation nitong Martes, Mayo 2. Kasama ni Mayor Honey sina Vice Mayor Yul Servo Nieto, Cong. Irwin Tieng, at konsehal ng 5th District sa nasabing seremonya. Kuha ni JON-JON REYES

Lagusnilad rehab, sinimulan agad matapos ang groundbreaking

May 2, 2023 Edd Reyes 190 views

PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, Vice Mayor Yul Servo Nieto at 5th District Congressman Irwin Tieng ang groundbreaking ceremony na hudyat ng pagsisimula ng rehabilitasyon ng Lagusnilad vehicular underpass Martes ng umaga.

Kabilang sa kinakailangang ayusin ng lokal na pamahalaan ang drainage system at pag-upgrade sa itinaas na pumping station upang maiwasan ang pagbaha sa panahon ng tag-ulan at ang pagsesemento ng daan upang maging ligtas ang mga tumatahak na motorista.

“Noong 2014 ay nilagyan po siya ng isang mekanismo kung saan sisipsipin ang tubig na nanggagaling sa ilalim ng lupa, pero noong panahon na iyon, nasa ilalim pa ang pump kaya hindi lubusang natatanggal ang tubig, tandaan ninyo, below sea level po tayo kaya hindi maiiwasan na bahain ang Lagusnilad, ang ginawa po inakyat na po itong pumping system at ngayon pong umagang ito, ia-upgrade na po natin ang buong Lagusnilad at yan po ay sa tulong ng inyong pamahalaan at national government sa pamamagitan ng tanggapan ni Congressman Irwin Tieng,” pahayag ni Mayor Honey sa kanyang pagsasalita.

Ayon sa alkalde, may kabuuang P75 milyon ang gugugulin sa rehabilitasyon ng Lagusnilad, P50 milyon dito ay magmumula sa inilaang pondo ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ang P25 milyon ay sa pambansang pamahalaan sa pamamagitan ng tanggapan ni Cong. Tieng.

Sinabi ni Mayor Honey na noon pang taong 2014 huling isinagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang rehabilitasyon ng Lagusnilad at isinaayos na rin ito ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila noong 2020 bagama’t puro pagkukumpuni lamang dahil nasa ilalim ng pambansang pamahalaan ang pangangasiwa nito bilang isang national road.

“Matagal-tagal na rin po itong plano ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, kaya nga lang po ay kailangan naming makipag-coordinate sa DPWH dahil sila po dapat talaga ang magsasa-ayos nito, kaya lang dahil sakop namin ito at kami po lagi ang nilalapitan ng mga nagrereklamo, kami na po ang gumawa ng paraan para once and for all ay maayos na po natin ang makasaysayang Lagusnilad,” sabi pa ng alkalde.

“Kami po ay humihingi ng pangunawa sa inyo, apat na buwan lamang po ito. Kung tayo ay nakapaghintay na ng ilang taon, siguro naman po ang apat na buwan, kayang-kaya na nating maghintay pa,” dugtong pa ng alkalde.

Bagama’t may bahagi pa naman ng Lagusnilad ang maaaring daanan ng mga sasakyan habang isinasagawa ang rehabilitasyon, pinapayuhan pa rin ang mga motorista na gamitin ang inilaang alternatibong ruta dahil sa inaasahang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa naturang lugar.

AUTHOR PROFILE