Default Thumbnail

Labor Day 2021

May 1, 2021 Magi Gunigundo 691 views

Mabuhay ang manggagawang Pilipino!!!

NAG-UMPISA ang kilusan ng manggagawa sa unang industrial revolution noon 1800s. Nasa pang–apat na tayongindustrial revolution. Napakalaki na ang pinagbago ng pamumuhay ng tao sa panahong ito. Mga makina na ang pumalit sa tao sa mga factory. Kumonti na tuloy ang mga union. Naka-amba na rin ang mga robot na may artificial intelligence na palitan ang mga trabahong tao sa 21st Century. Work from home ang kadalasang working arrangement ngayon. Tipid sa oras ng paglalakbay. Pero on call 24/7. Nawala na ang day off at walong oras na workday. Dagdag pa rito ang mga “endo” na hindi masaway-saway ng pamahalaan sapagkat pati gobyerno ay may mga tauhan na contractual, casual at job order rin. Ito ang ilan lang sa mga bagong hamon sa uring manggagawa sa 21st Century. Mag-iiba ang anyo at hugis ng living wage, full employment , security of tenure , at humane conditions of work (Article XIII Sec 3, 1987 Constitution) .

Ang kauna-unahang pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa sa Pilipinas ay naganap noomg Mayo 1, 1903 na pinamunuan ni Isabelo delos Reyes at Hermenegildo Cruz at nilahukan ng libo-libong manggagawa na nagmartsa mula Plaza Moriones ,Tondo hanggang Malacanang upang igiit ang karapatan ng mga manggagawa at ang tahasang pagpapalaya sa Pilipinas ng mga Amerikano.

Naging ganap na piyesta opisyal ang Mayo Uno bilang Araw ng Manggagawa sa Pilipinas noon 1908. Ang kamalayan sa karapatan ng manggagawa ay hindi nagmula sa Kaharian ng Espana sapagkat 1939 lamang kinilalang piyesta opisyal ang “Dia del Trabajador” ng mga Kastila.

Ang kilusan ng mga manggagawa ay tumawid ng dagat Pasipiko mula sa Amerika. Bunga ito ng pagpapakahirap ng kilusan ng manggagawa sa Amerika na nagtratrabaho sa marumi, masangsang, peligroso at nakakabanas na mga factory, kiskisan at minahan. Bukod sa 12 oras na trabaho pitong araw sa isang linggo, walang pahinga [ ni breaktime o lunch break ay wala, wala rin pahinga ng Sabado at Linggo] , mababa ang sahod at ang yumayaman lang ay mga among kapitalista. Wala rin mga benepisyo para sa kalusugan. At pati mga bata na lima o anim na taon gulang ay pinagtratrabaho rin ngunit kapiranggot lang ng suweldo ng mga may sapat na gulang ang naiuuwi nila.

Kanya noon Setyembre 5,1882 , 10 libong manggagawa ang hindi pumasok sa trabaho upang magmartsa mula Cityhall hanggang Union Square sa New York City. Ito ang kauna-unahang “Labor Day parade” sa kasaysayan ng Amerika. Pagkaraan ng 12 taon, naging piyesta opisyal ang unang lunes ng Septiyembre bilang Labor Day. Ito rin ang hudyat ng pagtatapos ng bakasyon ng mga bata sa paaralan. Marami rin piyesta opisyal ang sadyang itinapat ng Lunes upang magkaraoon ng tatlong araw na bakasyon ang mga empleyado ng pamahalaan pederal ng USA sa ilalim ng Uniform Monday Holiday Act ng 1968 ( Martin Luther King Jr Day, President’s Day, Memorial Day, at Columbus Day). Dahil sa mga sakripisyo ng mga labor union na gulugod ng kilusan ng manggagawa, malaki ang pinagbago ng pamumuhay ng mga manggagawa, ang kondisyon ng lugar na kanilang pinapasukan at paano magpahinga.

Sinabi ni Karl Marx, ang ama ng komunismo, na mahalaga ang papel ng isang indibidwal bilang manggagawa sa paglikha at palitan ng kalakal at serbisyosa merkado. Ang kinakalakal ay bunga ng pawis , utak at pagod ng indibidwal na nagbibigay ng dangal sa sarili. Subalit ito ay nilulusaw ng kapitalismo sapagkat ang bagay na nilikha ay nagiging pag-aari ng kumpanya , hindi ng indibwal. Ang paglalayo ng nilikha sa manggagawa ang nagpapaigting ng hidwaan ng manggagawang uri sa kapitalistang uri .

Naniniwala si Marx na ang tamang sukatan ng halaga ng isang bagay ay ang oras na ginugol upang malikha itong manggagawa : ang “ labor theory of value” natuntungan ng “theory of exploitation “ na nagsasabing ang kita ay bunga ng pagsasamantala ng amo sa kanyangmanggagawa.

Ang kapitalismo ay nakatutok sa pagpapababa ng ginagastos sa paggawa ng produkto para lumaki ang kita. Sinasagad ang sweldo sa halagang sasapat lang para mabuhay ang trabahador na walang naiipon sa kanyang pinagpaguran. Kaya ang panawagan ni Marx ay buwagin ang pribadong pagmamay-ari ng mga bagay at palitan itong kolektibismo. Hindi ito makatwiran para sa akin.

Naniniwala akong ito ang kahinaan ng pilosopiya ni Marx. Mawawalan ng gana ang masipag na magpursige sa buhay sapagkat walang gantimpalang naghihintay sa masipag at hindi na magsisipag ang batugan sapagkat mayroon pa rin siyang kakainin sa kabila ng katamaran.

AUTHOR PROFILE