Default Thumbnail

Labi ng 2 Pinoy sa Israel, Jordan naiuwi ng PH gov’t

October 21, 2023 Jun I. Legaspi 321 views

NAISAKATUPARAN na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pagpapauwi sa mga labi ng dalawang Overseas Filipino Workers (OFW) na nasawi sa Israel at Jordan.

Nitong Sabado ng hapon, inaasahang maiuuwi sa bansa ang katawan ng napatay na caregiver sa bakbakan ng Israel at Gaza sa Southern Israel gayundin ang Pinay household worker na pinatay sa Amman, Jordan.

Ang Pinay caregiver ay kasama sa apat na OFW na nasawi sa pag-atake ng Hamas terrorist attacks sa southern Israel noong October 7, 2023.

Sa kabila ng pag-atake, nanatili ang caregiver sa tabi ng kanyang pasyente na isang Israeli citizen kaya’t nakasama siya sa biktima ng pamamaril ng mga Hamas fighters sa kanilang shelter.

Lulan ang labi ng biktima sa Etihad flight EY424 mula Tel Aviv, Israel at saka iuuwi sa kanyang lalawigan sa Negros Occidental ngayong araw ng Linggo.

Ang Filipina household service worker naman ay naunang naiulat na nawawala noong October 12, 2023 sa Migrant Workers Office in Amman, Jordan at ipinaalam sa Jordanian police.

Naglunsad ng search operations ang mga awtoridad hanggang matagpuan ang katawan nito sa basement ng gusali kung saan siya namamasukan.

Sa isinagawang autopsy, lumitaw na nasawi ang OFW sa pananakal habang ang suspect na umamin sa krimen ay nasa kustodiya na ng Jordanian police.

Ang suspect ay sinaasbing anak ng caretaker ng building.

Nasa korte na ngayon ang kaso ay nangako ang DMW na ibibigay ang lahat ng suporta sa pamilya ng OFW hanggang maresolba ang krimen.

Bukod dito, ipinoprosesso na rin ang mga benepisyo para sa pamilya ng OFW.

AUTHOR PROFILE