
LA, isinugod sa ospital matapos ang confrontation scene kay Marya
MATINDI ang laban ng family drama movie na In His Mother’s Eyes sakaling mapili ito bilang isa sa official entries ng 2023 Metro Manila Film Festival.
Maliban sa powerhouse cast na kinabibilangan ng comebacking Diamond Star na si Maricel Soriano, Roderick Paulate at singer-actor LA Santos, eh, panlaban din ang istorya nito tungkol sa relasyon ng mag-inang matagal nagkawalay pero muling magkakasama sa gitna ng matitinding pagsubok sa buhay.
Sa istorya, kambal sina Marya at Roderick at maiiwan sa pangangalaga ng huli ang anak ng una nang magtrabaho ito abroad.
Drama kung drama ang mga eksenang napanood ng entertainment press kamakailan kasama ang 7K Entertainment producer na si Flor Santos, mommy ni LA.
Personal at espesyal ang proyektong ito para kina Mommy Flor at LA dahil may mental issues din ang karakter na ginagampanan ng actor-singer sa movie.
Hindi lingid ng kaalaman ng publiko na nu’ng bata-bata, eh, na-diagnose si LA ng ADHD at autism. Kaya naman saludo ang marami sa kanya sa pagpayag na gawin ang mabigat niyang papel sa In His Mother’s Eyes.
Katunayan, isinugod pa siya sa ospital matapos ang malalang confrontation scene nila ni Marya, na una niyang nakasama at naging close sa Kapamilya series na Ang sa’yo ay Akin.
Kwento ni Mommy Flor, “Two days siyang nag-internalize tapos pagkatapos nu’ng scene, hindi bumitaw.”
Matagal nga raw bago naka-recover si LA sa eksenang ‘yon with Marya kung saan sumakit ang ulo niya at nag-palpitate pa.
Pero sulit naman ang lahat ng hirap dahil sa teaser pa lang, lutang na lutang ang kahusayan ng actor-singer na walang takot na nakipagsabayan sa screen veterans tulad nina Marya at Roderick.
Ayon kay Mommy Flor, sumailalim si LA sa maraming workshop bago ang shooting. Nanood din siya ng ilang pelikula na pwedeng makatulong sa kanya para maging basis ng karakter sa pelikula.
Nagkalat din daw sa set ang acting coaches ng anak niya.
“Marami, halos lahat love si LA,” dagdag pa ng first-time producer.
Banggit pa ng proud mom, si LA rin ang kumanta ng theme song nito na pinamagatang Inay, Patawad, na kolaborasyon nila ni Jonathan Manalo.
Sa sobrang moving nga ng song, mismong sina LA at Jonathan, hindi napigilang maluha habang nire-record ito.
Anyway, sana nga palaring mapili ang In His Mother’s Eyes sa 2023 MMFF dahil bukod sa powerhouse cast, heartwarming story at de-kalidad na pagkakagawa sa ilalim ni Direk FM Reyes, eh, walang duda na hahakot ito ng acting awards sa MMFF Gabi ng Parangal.