Kylie

Kylie, kinarir ang role sa ‘The Housemaid’

September 8, 2021 Ian F. Fariñas 411 views

PURING-PURI ni Direk Roman Perez ang mga artista niya sa Pinoy adaptation ng hit Korean movie na The Housemaid dahil lahat daw ay magagaling. Ensemble acting daw ang ipinakita ng lahat at maging ang relatively baguhang beauty queen-actress na si Kylie Versoza, pinabilib siya sa ipinakitang dedikasyon sa papel ni Daisy.

Ginagampanan nga ni Kylie ang pangunahing papel ni Daisy, ang beinte-anyos na babaing pumasok bilang yaya ng anak ng mayamang mag-asawa kapalit ng malaking suweldo.

Hindi lang sa alaga niyang si Maya (Elia Ilano) mapapalapit ang loob ni Daisy kundi maging sa amo niyang si William (Albert Martinez).

Sumailalim si Kylie sa acting workshops kay Ruby Ruiz habang nasa lock-in taping at inamin na malaki rin ang naitulong ng BF niyang si Jake Cuenca sa pagtanggap ng proyekto.

Ang The Housemaid ay mula sa South Korean film na unang ipinalabas noong 1960 at niremake noong 2010 sa titulong Hanyo.

Nag-uwi ito ng awards mula sa iba’t ibang international film festivals, kabilang na ang Fantasporto sa Portugal, Oslo Film from the South Festival, pati na sa Cinemanila International Festival.

Tumanggap din ito ng nominasyong Palme d’Or sa prestihiyosong Cannes Film Festival.

Kaya naman ganu’n na lang ang tuwa ng cast, kabilang na sina Kylie at Albert, na mapasama sa pelikula.

Baliw na lang daw ang tatanggi sa ganitong klase ng proyekto, ani Albert sa virtual mediacon kahapon ng The Housemaid.

“We got all the actors we wanted for the role. We chose the actors for this project. This is a very timely film. And yes, this can also join film festivals abroad eventually,” diin pa ni Direk Roman.

Samantala, ang The Housemaid ang unang Pinoy movie na magkakaroon ng theatrical release sa United Arab Emirates (Dubai, Abu Dhabi, Sharjah, Ajman, Ras Al Khaima, Umm Al Quwain at Al Ain).

Simula September 17, available na ito for streaming sa Middle East at Europe via Vivamax.

Sa September 10 naman ipapalabas ang The Housemaid sa Vivamax Philippines, Singapore, Malaysia, Hong Kong at Japan.

Nasa cast din ng pelikula sina Jaclyn Jose, Alma Moreno at Louise delos Reyes (bilang misis ni Albert na si Roxanne).

AUTHOR PROFILE