
Kung ano mayroon sa mga taga-Makati, mayroon din ang mga taga-Taguig
DUMIPENSA ang mga taga-Taguig sa isiniwalat na pangamba ni Makati Mayor Abby sa kanilang official Facebook page na hindi na raw matatanggap ng tinatayang 300,000 mga residente ng mga Barangay Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, at Pitogo ang kanilang isang katerbang benepisyo ngayon nasa ilalim na sila ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.
Nasaktan kasi ang mga taga-Taguig sa sinabi ni Mayor Binay na sila lang daw ang nakakapagbigay ng mga benepisyo sa mga residente ng pitong barangay mula sa programang pang-kalusugan, edukasyon at iba pa na tila raw pinalalabas ng alkalde na hindi ito kayang ipagkaloob ng Pamahalaang Lungsod ng Taguig.
Sabi nila, hindi raw siguro alam ng alkalde na ang ipinagmamalaking benepisyo sa mga Makatizen ay tinatamasa rin ng mga taga-Taguig, mula sa mag-aaral hanggang sa mga senior citizen.
Isa-isa nga nilang ipinagyabang ang ilan sa mga benepisyo ng mga estudyante tulad ng pagkakaloob ng P5,000 kada semester at P10,000 kung merito, bukod pa sa P10,000 kada semester sa mga tumanggap ng LANI Scholarship at P20,000 sa mga may merito.
Kung may cash allowance raw ang mga senior citizen sa Makati, aba’y mayroon din daw nito ang mga taga-Taguig, may regalo rin taon-taon, libreng panonood ng sine, libreng pustiso, at may lugar na kanilang napapasyalan.
Hindi rin daw siguro alam ng alkalde na sa kanila ay libre rin ang medical services sa maganda at maayos na pasilidad at puwedeng magpa-konsulta g libre kahit anong oras.
Dahil nangamba ng labis ang mga residente ng pitong barangay, sinabi ni Mayor Abby na itutuloy pa rin niya ang mga benepisyo hangga’t walang inilalabas na writ of execution ang hukuman para sa paglilipat ng Embo sa Taguig City bagama’t kailangang ikonsulta raw ito sa Commission on Audit (COA).
Super Health Center at Bahay Kalinga, itatayo sa Navotas
HINDI lang pala sa Lungsod ng Maynila magkakaroon ng “Super Health Center” kundi maging sa Lungsod ng Navotas dahil kasado na ang plano para rito ni Mayor John Rey Tiangco.
Itatayo ang naturang health center sa may 728-metro kuwadradong lupa sa Ayungin St. Brgy. NBBS-Kaunlaran na ibinigay bilang donasyon ng National Housing Authority (NHA).
Mismong sina NHA General Manager Joeben Tai at Mayor Tiangco ang lumagda sa deed of donation and acceptance nito lamang Hulyo 10, 2023 na inilaan para pagtayuan ng health center na magbibigay ng libreng serbisyo tulad ng laboratory, dental, panganganak at iba pang may kaugnayan sa kalusugan.
Dahil malawak ang lupang donasyon ng NHA, plano rin ng alkalde na magtayo rito ng Bahay Kalinga na magsisilbing pansamantalang tuluyan ng mga abandonadong matatanda, maging ng kababaihan o kabataang biktima ng pang-aabuso.
Ayon sa alkalde, bagama’t limitado lamang ang kanilang mapagkukunan, lalu na sa lupa, tinitiyak niyang humahanap sila ng paraan upang maitaguyod at maipagkaloob sa bawa’t Navoteño ang kanilang pangangailangan,
Handa naman si Navotas Congressman Toby Tiangco na suportahan ang magagandang proyekto ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo para matustusan ang mga programa at proyektong kapaki-pakinabang sa mga Navoteño.
Naging bentahe sa mga mamamayan ng Navotas ang tambalan nina Cong. Toby at Mayor John Rey Tiangco na magkatuwang sa paglulunsad ng mga programa at proyektong kapakipakinabang sa mamamayan na hindi nakakamit ng mga residente sa ilang mga lungsod at munisipalidad na magka-iba ang kinaa-anibang partido ng kanilang alkalde at kinatawan sa Kongreso.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]