Tulfo

Kumpanya palayasin sa SBMA

February 27, 2022 People's Tonight 1079 views

TulfoPANAHON na siguro para sipain ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) itong isang kumpanya palabas ng naturang base dahil sa panloloko umano sa ilang negosyante na.

Lumapit sa Erwin Tulfo Center for Media and Public Service (ETCMPS) itong JPMJ Subic Trading Corp. sa pamamagitan ng kanilang vice president na si Nestor Manahan para ireklamo itong Filman Property Management Consultancy Inc.

Ayon kay Ginoong Manahan, Marso noong nakaraang taon nagbigay sila ng advanced payment sa Filman filman sa halagang P8 million bilang rental sa pwesto na pinapaupahan ng property company.

Pero ilang buwan na ang lumipas hindi pa rin ma-I-turn over ng Filman ang pwesto sa grupo ni Manahan.

Humingi na lang daw ng refund si Manahan sa Filman ngunit nagbigay lang daw ito ng P1 million at nangakong ibinigay ang kulang ng P7 million makalipas lang ng ilang araw.

Subalit nagdaan ang mga buwan walang refund na natanggap ang JPMC Subic Trading Corp. mula sa nasabing rental company.

Hirap na raw itong makontak at maging ang general manager ng Filman na si Patricia Gale Yao ay hindi na rin umano sumasagot sa mga tawag ni Mr. Manahan.

Sinubukan naming tawagan ang Filman noong nakaraang linggo ngunit walang sumasagot sa mga numero ng opisina nila at gayon din sa cellphone ni Miss Yao.

Isang Atty. Von Rodriguez, na sinasabing abogado ng Filman, ang nagtext na lang sa amin kasabay ang sabi na hindi naman talaga siya ang lawyer nila kundi consultant lang daw siya.

Hindi rin daw niya kabisado ang transaksyon sa pagitan ng Filman at JPMC Trading.

Huwebes noong nakaraang linggo tinawagan ko si SBMA Chairman and Administrator Wilma Eisma kung maaaring tumulong na ang kanyang tanggapan para maresolba na ang problema ng kumpanya ni Sir Manahan.

Nangako naman si Chairman Eisma na tutulong at kaagad na paghaharapin ang dalawang panig sa kanyang tanggapan.

Ngunit duda ang JPMC Trading na maibabalik agad ng Filman ang kanilang pera na lubhang kailangan daw nila ngayon matapos maapektuhan ang kanilang kumpanya ng pandemya.

“Ilang buwan na kaming tinataguan ng mga yan kaya duda kami na maisosoli kaagad sa amin yung P7 million advanced rental namin,” ani Ginoong Manahan.

Pakiramdam ni Manahan baka marami na rin ang nabiktima ng Filman at hinahabol din sila.

Kung ako ang tatanungin…mas mabuti na palayasin na lang sa SBMA ang kumpanya na yan at baka marami pa silang mabiktima.

Nakakahiya kung mga foreigner ang kanilang mabiktima sa susunod.

Pinayuhan na rin namin ang complainant na magsampa ng large scale estafa laban sa Filman at sa mga opisyal nito. Ni Erwin Tulfo

AUTHOR PROFILE