
Kompanyang naglabas ng baligtad na Philippine flag sa Palarong Pambansa may ‘Chinese nationals’?
ALAM kong maraming magtataasan ng kilay sa ‘title’ ng ating artikulo.
Alam ko na marami ang sasagot na ‘eh ano ngayon kung may Chinese nationals sa DroneTech Philippines, bawal ba ito sa batas?’
Actually, kahit ako ay nagtatanong din kung may nilabag ba ang DroneTech Philippines sa kanilang ‘ownership’ kung sakaling may kasosyo man silang mga Chinese.
Pero ang nangyaring ‘kapalpakan’ at ‘kahihiyan’ sa pagpapalabas ng baligtad na Philippine flag sa closing ceremony ng Palarong Pambansa 2023 ay isang ‘eye opener’ sa ating lahat.
‘Sagrado’ para sa ating lahat ang posisyon ng kulay ng ating bandila.
Espisipikong nakatadhana ito sa Department Order 60, S 2007 na inilabas ng Department of Education para sa ‘Guidelines on the Proper Display of the Philippine National Flag.’
Ngunit para hindi tayo magmukhang ‘antagonistic’ sa mata ng DroneTech Philippines, gusto ko pong banggitin na humanga tayo sa maagap nilang pag-amin ng pagkakamali.
Kaya lang tulad ng sinabi ni Marikina Mayor Marcy Teodoro, tinatanggap nila ang ipinarating na sorry, ngunit tuloy pa rin ang isasagawang imbestigasyon laban sa DroneTech Philippines.
Si DroneTech Philippines, para sa kaalaman ng lahat, ay ang kompanyang kinontrata para sa ‘drone show’ sa closing ceremony ng Palarong Pambansa na ginanap sa Marikina Sports Complex.
Okay na sana ang naturang palabas dahil pinalakpakan ito ng mga nakasaksi, ngunit nang makitang nasa ibabaw ang kulay pula ng bandera ng Pilipinas at ang kulay asul ay nasa ibaba, talagang may mali rito.
Ayon sa DroneTech Philippines, maaaring dahil sa sama ng panahon kaya nagkaganun ang position ng kanilang drone. Isang alibi ito na mga ‘experts’ o ‘technical people’ lamang ang makapagsasabi kung posible ba ang kätwiräng ganito o hindi.
Dapat din malaman kung may kapabayaan ba na nangyari sa parte naman ng organizer. Baka kasi bago ang naturang palabas ay hindi sila nagkaroon ng ‘final checking’ sa kanilang ‘rehearsal.’
Tulad ng sinabi ko, maagap ang paghingi ng paumanhin ng naturang kompanya. Pagpapakita na sinsero sila sa kanilang apology.
Ngunit kaisa tayo ni Mayor Teodoro sa pagsasabing dapat ituloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon at dapat anuman ang maging resulta nito ay ilabas sa publiko.
Hindi ko sinasabing kung may Chinese owner nga sa DroneTech ay ‘guilty’ agad sila, pero ang isang mabusisi at masinsinang pagsisiyasat ay malaking tulong para sa ikalilinaw ng lahat.
Lalo’t patuloy, walang humpay at walang tigil ang isyu ng agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea (WPS).
Hindi ba’t kamakalawa lamang ay binomba mismo ng Chinese vessel ang ating barko na magdadala lamang ng supply ng pagkain sa Ayungin Shoal?
Ang kahihiyang inabot ng Pilipinas ay napanood sa livestream ng Marikina City PIO.
Kung wala namang kasalanan ang DroneTech Philippines, dapat lang na linisin ni Mayor Teodoro ang kanilang pangalan.
Pero kung tunay na may nilabag sila sa pagkakamaling ito, dapat lang silang parusahan at tuluyan nang i-ban sa Pilipinas para hindi na kunin pa ang kanilang serbisyo sa mga susunod na malalaking palabas o event.