Marjo

Kolaborasyong ‘MarJo’ binuwag ng kampo ni Jojo

March 26, 2025 Ian F. Fariñas 200 views

TINULDUKAN na ng Revival King na si Jojo Mendrez ang pakikipag-collab kay “StarStruck” 1 Ultimate Male Survivor Mark Herras matapos siyang iwan nito sa ere sa katatapos na PMPC Star Awards for TV.

Sa isang tell-all mediacon na ipinatawag ng kampo ng singer kahapon, ikinuwento niya at ng managers niyang sina Vince Apostol at David Bhowie kung paano nilayasan ni Mark ang commitment na pagpe-present ng award kasama ang singer/entrepreneur.

Ayon kay Jojo, ang paalam sa kanya ni Mark, magsi-CR lang. Ang hindi niya alam, umalis na pala ito at nagsabi kay David na meron siyang emergency.

Buti na lang daw, available ang kapwa-‘StarStruck’ alumnus ni Mark na si Rainier Castillo na tinawagan ni David para saklolohan si Jojo sa pagpe-present.

Para sa kanila, final straw na ’yon kaya nag-decide silang buwagin ang “MarJo” partnership. Bukod daw kasi sa Star Awards incident, marami na umanong atraso si Mark tulad na lamang ng supposed pangungutang at pagbabanta kay Jojo.

Sey ni David, may mga hawak silang “resibo.” Kumonsulta na rin daw sila sa abogado sakaling umabot ang usaping ito sa legal na proseso.

Hindi maintindihan ni Jojo kung saan nanggagaling ang inaasal ni Mark lately gayung may mga pagkakataon na higit pa umano sa agreed honorarium ang natatanggap nito mula sa kanila.

Tanong niya kay Mark: “Bakit mo gagawin ‘yon sa tao na tinutulungan ka niya sa panahon na wala ka? At sa’n nanggagaling ‘yung galit? Hindi matawid ng isip ko bakit ginawa niya ‘yon.”

Muli rin niyang pinabulaanan ang malisyosong tsika na may relasyon sila’t sugar daddy siya ng OG bad boy ng dancefloor.

“Wala kaming relasyon ni Mark Herras once and for all,” giit niya. “Hindi ho gimik ito para pag-usapan kami. Walang namamagitan sa amin ni Mark Herras at the same time, hindi ko alam ang takbo ng isip niya.”

“Sa side ko, alam ko ‘yung… alam ko ‘yung nilalaman ng isip ko at sarili ko. Hindi ko alam ‘yung impression sa nakikita niya. So magkaiba kasi ‘yon, eh. So, as of this time, masasabi ko wala kaming any relationship, wala kaming commitment sa isa’t isa. Hindi ko alam saan nanggagaling ‘yung ganu’ng galit, hindi ko alam,” diin niya.

Para naman sa Aqueous Entertainment team, labas sa isyu ang pera.

“Ang issue talaga is to put an end du’n sa ‘MarJo’ chapter. To put an end to that issue na nilalagyan ng kulay ‘pag nagkakasama sina Mark at Jojo,” pahayag ni David.

“I think it’s about time na wala nang kasunod ‘yung ‘MarJo.’ Dumating na rin ‘yung point na medyo mabigat na…,” sundot naman ni Jojo, na umaming nagpadala ng mahabang goodbye text message kay Mark, kasama ang pasasalamat, pero sinagot lang daw ito ng simpleng thumbs up.

Moving forward, nangako si Jojo na mas magpo-focus sa promo ng bago niyang single under Star Music, ang “Nandito Lang Ako,” na original composition ni Jonathan Manalo.

May ilan pang classic OPM hits na nakatakdang i-revive si Jojo tulad ng “Tamis ng Unang Halik” ni Tina Paner, “Boy” ni Timmy Cruz, “Pare Mahal Mo Raw Ako” ni Michael Pangilinan at marami pang iba.

AUTHOR PROFILE