
Kita ng farmers sa IlNor tataas ng 30% dahil sa rice mill
MADADAGDAGAN ng 30 porsyento ang kita ng halos 1,000 magsasaka sa Ilocos Norte dahil sa multi-stage rice mill na nagkakahalaga ng P56.5 milyon.
Ayon kay Director Dionisio Alvindia ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech), tinurn-over sa Piddig Basi Multipurpose Cooperative ang bagong rice mill at makikinabang ang 1,000 miyembro nito na namamahala ng may 1,400 ektarya ng lupang pansakahan.
Kabilang sa pasilidad ang dalawang recirculating dryers na may kapasidad na 12 tonelada at nagkakahalaga ng P8.1 milyon at iba pang kagamitan na may halagang P6.4 milyon.
Bukod sa mga agricultural machinery and postharvest facility na nakalaan para taong ito, nabigyan na rin ang kooperatiba ng isang rice combine harvester na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
Ayon kay Alvindia, makakapag-proseso ang rice mill ng may tatlo metriko tonelada ng palay kada oras at nakakapag-produce ng 930 ng tig-50 kilo ng bigas sa walong oras na operasyon.
“This mill will increase the rice recovery from palay to 65 percent, higher by 7 percentage points compared to the national average of 58 percent. And that means a lot to increase farmers’ incomes,” ani Alvindia.
Ang ibig sabihin nito, ani Alvindia, ang bawat 100 na sako ng palay na pinoproseso ng PhilMech rice mill, ito ay nag po-produce ng 65 na bag ng bigas o pitong sako. Bawat sako may katumbas na 50 kilo.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr., na malaking tulong ang pagdagdag ng paggamit ng machinery at pag-improve ng post-harvest facility sa pagkamit ng layunin ng pamahalaan na dagdagan ang food production, paniniguro sa food security at pagbawas ng pag-angkat ng bigas.
“By deploying better post-harvest facilities like dryers, silos, and rice mills, we can significantly reduce wastage that would help achieve our trifecta goals of increasing farmers’ incomes, providing consumers with more affordable food choices and preserving foreign exchange by reducing food imports,” dagdag ni Tiu Laurel.