
KimXi, walang sapawan sa ‘Always’
KABISADO na nina Kim Chui at Xian Lim ang isa’t isa kaya naman wala nang problema nang gawin nila ang reunion movie na Always ng Viva Films.
“Ngayon na nagka-work kami, mas mature kami when it comes to our jobs. Parang alam na namin ang isa’t isa na hindi na namin pini-petty na, ‘Hoy, seryoshin natin ‘to!’ Parehas kaming nagku-collaborate kung anuman ang gagawin namin. Lalabas na lang ‘yan.
“Pakiramdaman na lang sa eksena. It helps dahil kilala namin ang isa’t isa. Minsan, siya ang magsa-shine sa eksenang ito. Minsan ako naman. Nandoon ‘yung bigayan na hindi ko kakainin si Kim, hindi ko kakainin si Xian,” pahayag ni Kim sa muli nilang pagsasama sa movie after 10 years.
“May trust na kami sa isa’t isa. Alam namin kung eksena ito ni Kim o eksena ko. We trust our directors. It helps na matagal na kaming magkasama on screen at off screen,” sey naman ni Xian sa balik-tambalan nila ng girlfriend.
Sa sinehan mapapanood ang Always nina Kim at Xian sa September 28 mula sa direksiyon ni Dado Lumibao.
MICHELLE, BALIK-LOCAL TV
NAGBABALIK sa local TV scene ang beauty queen-turned-actress na si Michelle Aldana sa GMA afternoon drama na Nakarehas na Puso.
Best known si Michelle nang magbida sa pelikulang Segurista ni Direk Tikoy Aguiluz.
Nawala siya sa ‘Pinas upang gumawa ng pelikula sa ibang bansa.
Taglay pa rin ni Michelle ang pagiging morena beauty niya pero pahihirapan niya sa series ang bidang si Jean Garcia.
“It’s an honor na masampal ni Miss Jean!” sabi ni Michelle sa mediacon ng Kapuso series na magsisimula sa September 26 kapalit ng The Fake Life.