Kim

Kim at Paulo, parehong positibo sa Covid-19

January 15, 2024 Ian F. Fariñas 140 views

HINDI malayong ma-link na naman sa isa’t isa sina Kim Chiu at Paulo Avelino lalo pa nga’t sabay silang nagpositibo ngayon sa Covid-19.

Sa ginawang roundtable mediacon kahapon para sa Linlang: The Teleserye Version na iere sa lahat ng Kapamilya platforms, parehong naka-Zoom ang dalawang bida habang physical namang dumalo ang co-stars nilang sina Maricel Soriano at Race Matias pati na ang directors nilang sina FM Reyes at Jojo Saguin.

Nang usisain kung bakit nga ba virtual lang ang kanilang attendance, sinabi ni Paulo na may bago silang show na ginagawa para sa Viu, Dreamscape Entertainment at ABS-CBN Studios.

Nang mag-lag ang connection ng aktor, sinalo siya ni Kim at sinabing, “Ako na lang, ano, buhay pa rin po ang Covid kaya tinamaan po kaming dalawa. Gusto man naming makasama kayo lahat diyan, pero ‘eto na ‘yung nakayanan namin.”

Anyway, para kay Kim, unexpected blessing umano ang pagiging big hit ng Linlang sa Prime Video.

Aniya, “Actually, nagulat din ako. ‘Yung lahat ng fear ko nawala and then I’m very thankful na na-acknowledge kami sa ibang bansa. ‘Yung mga bansa na hindi namin alam na nag-i-exist dahil napapanood nila ‘yung Linlang. So, malaki ang pasasaalamat din namin sa Prime Video siyempre sa pagkuha nila ng Linlang. And sa lahat ng mga tao na ginagawa nilang barkada mode or parang family get-together ang pagnood ng Linlang, lalo na sa ibang bansa so it’s a very big blessing for all of us. Actually, unexpected blessing and we’re very grateful for that.”

Bilang “most hated other woman” na si Juliana, inamin ng aktres na tinanggal niya sa pagkatao niya si Kim habang ginagawa ang serye.

Pero happy naman siya na nagagalit ang manonood kay Juliana at hindi kay Kim Chiu.

“So it’s a success, thank you so much!” dugtong pa niya.

Inaasahan nang mas magiging matagumpay pa ang Linlang: The Teleserye Version dahil, ani Direk FM, mas makikilala rito ng viewers si Juliana at mas maiintindihan ang rason sa likod ng mga pagkakamali niya.

AUTHOR PROFILE