Posas

Killer selos

June 10, 2024 Gil Aman 159 views

PATAY sa saksak ang 32-anyos na babae matapos undayan ng kanyang 36-anyos na live-in partner na nag-ugat sa matinding selos, matapos mag-away Linggo ng gabi sa loob ng kanilang tahanan sa Barangay Macabling, Sta. Rosa City, Laguna.

Kinilala ni P/Lt. Col. Dwight Fallurin Fonte, hepe ng Sta. Rosa Police, ang biktima na si alyas “Candy,” isang empleyado at residente ng Purok 4, Sitio Iraq sa naturang lugar.

Nagtamo ng maraming saksak sa kaliwang bahagi ng dibdib ang biktima, ganoon din sa kanang bahagi ng dibdib nito.

Ayon sa pulisya, isinugod sa pagamutan ng kanilang kapitbahay ang biktima subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Samantala, ang itinuturong suspek na agad naaresto ng mga barangay tanod na kinilalang si alyas “Ralf” ay empleyado sa tindahan ng motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pananaksak sa loob ng kanilang tahanan dakong alas-12:50 ng madaling araw.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, ang biktima umano ay galing pa sa pakikipaginuman sa mga barkada bago ang pagaaway.

Dahil sa pangyayari, matinding selos umano ang namagitan sa maglive-in at nang makauwi sa kanilang tahanan, tumindi pa ang mainitang pagtatalo ng dalawa.

Hindi na umano nakapagpigil ang lalaki sa mainit na sagutan hanggang sa mawalan ito ng kontrol at saka sinaksak ang biktima gamit ang isang kitchen knife.

Inihahanda naman ng Sta. Rosa Police ang isasampang kaso laban sa naarestong suspek.

AUTHOR PROFILE