Sunog Kaagad nakapag-responde sa lugar ang Rescue Team ng CDRRMO at Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) upang subukang isara ang barbula na pinagmumulan ng pagtagas ng ammonia subalit nakarinig na sila ng pagsabog na sinundan ng pagsiklab ng sunog dakong alas-12:05 na ng madaling araw ng Martes.

KILLER AMMONIA LEAK!

June 20, 2023 Edd Reyes 209 views

1 patay, 23 isinugod sa pagamutan, 100 inilikas

NASAWI ang isang menor-de-edad na lalaki habang 23 pa ang isinugod sa dalawang pagamutan makaraang makaranas ng kahirapan sa paghinga bunga ng pagtagas ng ammonia sa isang cold storage facility Lunes ng gabi sa Navotas City.

Ang pagtagas ng ammonia, ayon kay Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) chief Vonne Villanueva at naganap sa Icy Point Cold Storage sa Brgy. North Bay Boulevard North (NBBN) dakong alas-11 ng gabi na dahilan upang lumikas sa naturang pasilidad ang mga kawani habang 100 mga residente naman sa lugar ang napilitang lumikas patungo sa ligtas na evacuation center.

Ang 16-anyos na binatilyong nasawi, na napag-alamang dumaranas na ng iba pang sakit, ay isinugod sa Manila Central University Hospital sa Caloocan City habang ang 23 residente ng NBBN ay pawang nakaranas din ng hirap sa paghinga ay dinala sa magkahiwalay na pagamutan sa Navotas City Hospital (NCH) at Tondo Medical Center.

Kaagad nakapag-responde sa lugar ang Rescue Team ng CDRRMO at Navotas Bureau of Fire Protection (BFP) upang subukang isara ang barbula na pinagmumulan ng pagtagas ng ammonia subalit nakarinig na sila ng pagsabog na sinundan ng pagsiklab ng sunog dakong alas-12:05 na ng madaling araw ng Martes.

Ayon sa Navotas City Public Information Office (PIO) itinaas ng BFP-Navotas sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong ala-1:57 ng madaling araw, kasabay ng pagdeklara na napigil na nila ang pagtagas matapos tuluyang maisara ang barbula na dahilan upang magbalikan na sa kani-kanilang tirahan ang mga lumikas na residente nang matiyak na wala ng panganib ng masangsang na amoy.

Ayon pa sa CDRRMO, dakong alas-8 ng umaga ng Martes nang makauwi na rin ang mga isinugod na pasyente maliban sa dalawang residente pa ang naiwan sa NCH at dalawa rin sa Tondo Medical Center.

Iniutos ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na pinamumunuan ni Mayor John Rey Tiangco ang pansamantalang pagsasara at pagtigil ng operasyon ng Icy Point Cold Storage hangga’t hindi natatapos ang isasagawang imbestigasyon ng pinagsanib na puwersa ng BFP-Navotas, City Health Office, Sanidad, City Environment & Natural Resources Office, at Business Permits and Licensing Office.

Iniutos din ni Mayor Tiangco ang pagtatalaga ng mga health workers at ambulansiya sa lugar upang magbigay ng kaukulang tulong medikal kung kinakailangan.

AUTHOR PROFILE