
Kelot tiklo sa murder, boga, droga, assault
KAMPO MAJOR/HENERAL LICERIO I. GERONIMO, Taytay, Rizal–Timbog sa mga pulis ng Rodriguez, Rizal kamakailan ang isang suspek na may sangkatutak na kaso gaya ng murder.
Nakilala lang sa alyas Larry ang suspek na may sangkatutak na arrest warrant para sa pagpatay, pag-iingat ng ilegal na droga at baril, ayon kay Rizal police director P/Col. Felipe Maraggun.
Nasakote bandang alas-5:15 ng hapon ang suspek ng pinagsanib na mga operatiba ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Rodriguez Municipal Police Station.
May warrant of arrest para sa kasong murder na walang piyansa ang suspek na inisyu ni Presiding Judge Mohammad A. Tamano ng Branch 77 ng San Mateo, Rizal.
Mayroon din para sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, para sa paglabag sa pagbebenta ng ilegal na droga at para sa direct assault.
Nakumpiska ng mga otoridad mula sa suspek ang isang cal. 38 revolver at limang bala.