
Kelot tiklo sa boga
ARESTADO ng mga pulis ang isang miyembro ng Barangay Task Force dahil sa pagdadala ng hindi lisensyadong baril noong Huwebes sa Caloocan City.
Iniutos ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Josefino Ligan na arestuhin ang 45-anyos na taga-176-E sa Bagong Silang matapos matuklasang walang kaukulang dokumento at permit to carry ang kalibre .45 niya na may anim na bala sa magazine.
Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Paul Jady Doles, nagpagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Sub-Station-12 sa Phase 9, Package 7, Brgy. 176-E Bagong Silang, dakong alas-11:50 ng gabi nang palihim na lumapit sa kanila ang isang residente at ibinulong ang pagdadala ng baril ng isang miyembro ng Brgy. Task Force.
Tinungo ng pulisya ang lugar at doon nila nasalubong ang suspek na nakalabas pa ang puluhan ng baril sa suot na belt bag.
Iprinisinta na para sa inquest proceedings sa Caloocan City Prosecutor’s Office ang suspek kaugnay sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at BP 881 o ang Omnibus Election Code.