Crime

Kelot nabaril, bumawi biktima napatay

September 29, 2023 Edd Reyes 188 views

DEAD-on-the spot ang isang 25-anyos na lalaki at tatlo pa ang sugatan sa pamamaril sa Valenzuela City Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura ang napatay na si Alinor Alizaman, ng No. 6 Kabesang Purong, Brgy. Pinturin.

Kinilala ang mga sugatan na magkapatid na sina Algeb Abdul Ali, 23, at Rohan Abdul Ali, 24, ng 92 P. Faustino St., Brgy. Pinturin.

Sugatan din ang kanilang kapitbahay na si Joel Martin, 40, nang tamaan ng ligaw na bala sa testicles.

Base sa imbestigasyon nina P/SSg Julius Congson, P/Cpl Renz Legaspi at P/Cpl. Rhod Roven Ramorez ng Investigation Unit ng Valenzuela police, hinabol ng magkapatid si Alizaman dakong alas-7:50 ng gabi nang makita ang biktima sa harap ng bahay ng kanilang kapitbahay.

Nang makorner, bumunot ng baril ang biktima at pinaputukan si Rohan at tinamaan sa kanang dibdib at bukong-bukong habang nasapol naman sa kaliwang braso at hita si Algeb.

Nakipagbuno ang magkapatid sa biktima hanggang maagaw ni Algeb ang baril at sunod-sunod na pinaputukan sa ulo ang kaaway na agad nitong ikinamatay.

Nahagip naman ng bala si Martin nang lumabas ng bahay para mag-usyoso.

Matapos ang pamamaslang, tinangka pang tumakas ng magkapatid at itinapon ang naagaw na baril sa loob ng bahay ni Antonio Casimiro sa 94 P. Faustino St. pero nahuli sila ng mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station-7 sa pangunguna ni P/Capt. Richard Borbon.

Sinabi ni Col. Destura na sasampahan ng kasong homicide at frustrated homicide ang magkapatid sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE