Paul Gutierez

Kayo ang sumabak sa giyera!

June 27, 2024 Paul M. Gutierrez 94 views

KAISA tayo ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang pahayag na reresolbahin ng bansa ang usapin sa West Philippine Sea (WPS) sa mapayapang paraan.

Ganito mag-isip ang isang totoong lider – sa isang mahinahon at diplomatikong pamamaraan – na malinaw na isinasaalang-alang ang kapakanan ng mas nakararami, kesa sa interes ng iilan na ang bitbit na mentalidad ay kay “Rambo.”

Saludo at kaisa tayo ni PBBM sa kanyang paninindigan na hindi papasok sa isang giyera ang bansa para resolbahin ang isyu sa WPS, at tiyak na ganito rin ang kanyang paninidigan sa iba pang usapin na may kaugnayan sa ating relasyon sa iba pang bansa.

“We are not in the business to instigate wars – our great ambition is to provide a peaceful and prosperous life for every Filipino. This is the drum beat. This is the principle that we live by and that we march by,” bahagi ng isang pahayag ni Pangulong Marcos kamakailan.

Hindi kaduwagan ang hindi pagpasok sa giyera o tutulan ang ano mang marahas na hakbang sa pagresolba ng kahit anong usapin. Maraming dapat isaalang-alang, lalo’t higit ang buhay, partikular ng ating kasundaluhan, kung sasabak ang ating bansa sa digmaan laban sa kahit anong bansa.

Pangalawa na inisip marahil ng ating mahal na Pangulo, ang maraming madadamay sakaling sumiklab ang digmaan, bukod pa sa mga ari-arian at kabuhayan ng mga maaapektuhan, at higit sa lahat ang ekonomiya ng bansa, dulot ng karahasan.

Sa mga nag-uudyok ng giyera, kung hindi pa ninyo naranasan ang epekto ng digmaan, mas mainam na magbasa kayo ng kasaysayan ng ating bansa, at ng iba pang mga bansa na dumanas at ngayon ay dumadanas ng digmaan, kung ano ang kanilang naging karanasan at kinahantungan pagkatapos.

Kayong mahilig sa karahasan, na gusto ng giyera, mas mainam na kayo ang unang isabak o sumabak sa giyera, kasama ang inyong mga anak at kapamilya, para personal na malaman at maramdaman n’yo kung ano ang epekto pagkatapos ng karahasan.

Tingnan na lang natin ang hindi pa rin natatapos na digmaan sa pagitan ng Israel at Hamas at Russia at Ukraine.

Masaya ba tayo sa nakikita nating resulta ng digmaan kung saan marami na ang nasawi at halos wala nang kabuhayan ang mga tao?

Sa palagay ba ng mga mga ‘matataba’ ang utak, matutuwa o gugustuhin ng mga Pilipino na muling maranasan at dumaan sa ganoong sitwasyon?

Dapat palaging sariwain ang ating sitwasyon nang madamay tayo sa gera ng Japan at ‘Tadong Unidos noong World War 2.

Hindi pa rin ba sapat ang masaklap na karanasan natin sa naging pag-atake ng mga teroristang grupo sa Zamboanga at Marawi?

Sa mga nais guluhin ang bansa, tigilan na ninyo ang pang-uudyok o pagbibigay ng mga pahayag na magtutulak sa atin na makipag-digmaan sa kahit sinong bansa.

Hindi tayo kilala sa pagiging marahas, kaya huwag sanang mag-udyok ng karahasan, para lamang isulong ang mga pansarili nilang interes kung saan simpleng “negosyo” na dambuhala ang kita sa bawat gera– kasehodang libo-libo ang mamatay at maghikahos ang ekonomiya.

Naniniwala tayo na buo ang respeto ng ating Sandatahang Lakas sa ating Pangulo at susunod sila sa kanyang pahayag na hindi papasok ang bansa sa anumang madugong labanan.

Tiwala rin tayo na matatalino at may malasakit sa bansa ang ating mga sundalo, na hindi makikinig o magpapadala sa anumang pag-uudyok o ‘pang-uurot’ ng iilan. Ang salita ni PBBM ang susundin nila.

Batid din natin na laging nakahanda ang ating mga kasundaluhan na ipagtanggol ang ating bansa, at naniniwala rin tayo na hindi nila ilalagay ang sambayanang Pilipino sa anumang kapahamakan o hindi kanais-nais na kalagayan.

AUTHOR PROFILE