Default Thumbnail

Katatagan, ipinamalas ng Pangulong BBM sa likod ng kahinahunan

October 25, 2023 Edd Reyes 421 views

Edd ReyesKILALANG mahinahon, hindi lang sa pagkilos kundi sa pananalita, ang Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. pero sa pinakahuling insidenteng naganap sa West Philippine Sea, nakita ang matatag niyang paninindigan at seryosong pananaw sa nangyaring insidente ng pagtumbok ng Chinese Coast Guard sa barko ng Pilipinas .

Sa kanyang ipinatawag na pagpupulong sa lahat ng opisyal na bumubuo ng pambansang seguridad, kaagad niyang inatasan ang Philippine Coast Guard na magsagawa ng imbestigasyon na nakabatay sa umiiral na pandaigdigang batas-pandagat, bukod pa sa inihaing protesta ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Chinese government

Noon ding araw ng Lunes, tiniyak ng Pangulong Marcos sa Council of Sergeants Major ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na magpapatuloy ang pamahalaan sa pagsusulong ng modernisasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapabilang sa “world class” na pandaigdigang puwersa na irerespeto ng mga hukbong sandatahan ng ibang bansa.

Kilala ang Pangulo sa pagtupad sa kanyang mga ipinapangako, lalu na sa seguridad ng bansa, kaya ganoon na lang ang kanyang pagsisikap na mapaunlad ang ekonomiya at kabuhayan ng mamamayan na isa sa mga susi upang maisakatuparan ang kanyang pangarap na Bagong Pilipinas.

Gamit din ng Pangulo ang kanyang “convincing power” sa pagbisita niya sa iba’t-ibang mauunlad na bansa upang hikayatin ang mga neogysante na mamuhunan sa Pilipinas lalu na’t patuloy ang pag-angat ng ekonomiya sa ilalim ng kanyang administrasyon.

Katunayan, nagpahayag na ng malaking interes na maglagak ng puhunan sa bansa ang mga Japanese investors sa pangunguna ng Japanese Chamber of Commerce and Industry o JCCI, na pinakamalaking grupo ng mga negosyante sa Japan na may higit isang milyong kompanyang binubuo ng mga maliliit na negosyo at malalaking korporasyon.

Kapag nangyari ito, libo-libong trabaho ang malilikha ng mga negosyong itatayo sa bansa ng mga negosyante Hapones na tiyak na magpapa-angat sa kabuhayan ng maraming Pinoy.

Masayang kapaligiran, damang-dama na sa Pangasinan

MAAGA palang pinasaya ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan ang mga naninirahan sa naturang probinsiya dahil pinahintulutan ang pagtatayo ng mga mini carnival na may iba’t-ibang uri ng amusement rides sa mga bayan-bayan..

May dalawang buwan pa bago ang Pasko pero ngayon pa lang ay makulay na makulay na ang kapaligiran sa mga bayan ng Malasique, San Jacinto, Brgy. Malabago sa Mangaldan, Calasiao, Sta Barbara, Bugallon at Brgy. San Vicente sa Urdaneta dahil mistulang nagpapaligsahan sa dami ng amusement rides ang mga itinayong mini-carnival.

Kung masaya ang mga kabataan dahil sa dami ng mga rides, aba’y masaya rin pala ang mga sumingit na operator ng ilegal na sugal dahil naglatag din sila sa mga mesa ng drop ball at color games sa loob ng mga mini carnival na mukhang nakalusot sa mahigpit na panuntunan ni Police Regional Office (PRO)-1 Director P/BGen. John Chua na pagbabawal sa lahat ng uri ng ilegal na sugal.

Hirap sigurong matukoy ni Provincial Director P/Col. Jeff Fanged ang mga sumingit na operator dahil pawang nagtatago ang mga ito sa mga alyas lang na Jury, Danny, Ibasan, at Flores na kumokopo sa mga nakalatag na mesa ng ilegal na sugal, kasama ang sinasabing protector na may alyas Santino at Joseph na para raw kidlat kung mangolekta

Sa oras na makarating ito sa kaalaman ni Pangasinan Gov. Ramon Guico III, hindi malayong ipabawi niya sa mga pamahalaang panlalawigan ang mga permiso at lisensiya ng mga mini carnival na tiyak na ikalulungkot ng mga residente sa bawa’t bayan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE