
Kasalang KimJe regalo sa mga magulang ng komedyana
Ikinuwento ng real-life couple na sina Kim Molina at Jerald Napoles ang sikreto sa kanilang long-lasting relationship at ilan sa mga hindi malilimutang eksena nila on screen sa bagong season ng “Stars on Stars.”
Sa hostless talk show ng Jeepney TV, ibinahagi ng real-life couple ang pagsubok sa kanila sa pagsasama nila sa iisang bahay noong pandemya.
Ayon kay Jerald, napagtanto niyang si Kim ang gusto niyang makasama sa buhay dahil sa katatagan nila sa gitna ng mga unos.
“Nu’ng pandemic nalabas natin lahat. Kahit may mga away, naayos natin ‘yon. Naisip ko bigla na ‘kaya ko pala lagpasan ’yung gano’n kasama ka’ kaya sabi ko na ito na ‘yon,” sabi ni Jerald na makakasama sa nalalapit na ABS-CBN series na “Sins of the Father.”
Para kay Kim, excited na siya sa magiging pagsasama nila ni Jerald bilang mag-asawa dahil hiling ito ng mga magulang niya na maihatid siya sa altar sa kanilang kasal.
“It’s a gift for my parents. I’m looking forward to the time na sinunod ko yung pangarap nila kasi gusto nila makitang ikasal kami. Kaya rin si Jerald naunang mag-propose sa parents ko bago sa akin,” saad ni Kim.
Nagbalik-tanaw din ang dalawang bida ng Viva Films movie na “Un-Ex You” sa kanilang pagsabak sa hit teleserye na “FPJ’s Batang Quiapo” kung saan naging mag-asawa ang kanilang mga karakter.
“Madali siya kasi aside from magkasintahan tayo, magaling na aktres si Kim,” kwento ni Jerald.
“It’s easy to work with Jerald because I know him as an actor kaya mas napapadali yung work ko tapos kapag nasa isang project kami, we study the script together kahit nasa bahay kami,” dagdag ni Kim.
Panoorin ang nakakaaliw na kuwentuhan nina Kim at Jerald at ng iba pang bisita sa “Stars on Stars” na napapanood sa Jeepney TV Facebook page at YouTube channel.